ISA ang BIGWAS sa mga natuwa nang sa wakas ay nagkaroon na rin ng isang estrelya sa balikat si Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Richard Albano.
Karapat-dapat lang naman talaga ang promosyon nito dahil kung ako ang tatanungin, isa siya sa mga pinaka-snappy sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Habang puro kahihiyan ang ibinibigay ng kanyang mga kapwa opisyal ay pawang mga magagandang accomplishment naman ang ipinagkakaloob ni Albano sa kapulisan. Isa siya sa mga dahilan kung bakit hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa na maaaring tumino pa ang PNP.
Bagama’t ‘di ko personal na kakilala itong si Chief Supt. Albano (alam ko lang na mula ito sa Ilocos Norte gaya ko), marami na sa ating mga kababayan ang nagsabi sa akin na mababa ang loob nito at madaling makausap.
Istrikto umano ito sa kanyang mga tauhan subalit madaling lapitan ng mga kababayan natin na gustong humingi ng tulong.
Itong pagiging accessible ni Chief Supt. Albano marahil ang dahilan kung bakit napakarami na ang accomplishment ng QCPD magmula noong naitalaga ito bilang director nito lang Enero.
Sa police work, ang pinakamabisang paraan upang makakuha ng mga matitibay na intelligence information ay ang mabuting pakikitungo sa mga mamamayan.
Kapag buo ang suporta sa iyo ng mga tao, tiyak na darating na lang sa iyo ang mga kinakailangang intelligence information upang maresolba ang isang krimen o dili kaya ay mapigilan ito.
Halos hindi pa nga nag-iinit sa pwesto itong si Chief Supt. Albano noong paslangin sa Kyusi si Maconacon, Isabela Mayor Erlinda Domingo.
Halos wala pang isang araw ay naresolba agad ang kaso at nahuli ang mga salarin.
Naging epektibo rin ang kampanya ng QCPD laban sa talamak na holdapan sa mga jeep lalong-lalo na sa kahabaan ng Mindanao Avenue at Gilmore Avenue.
Sa maikling panahon din ng panunungkulan ni Chief Supt. Albano ay naging maganda rin ang accomplishment ng QCPD laban sa malawakang problema sa droga.
Kamakailan lang ay natimbog ng kanyang mga tauhan ang isang drug den sa Kyusi at nabawi mula rito ang may P250 milyong halaga ng shabu.
Maliban sa magaling sa operasyon itong si Chief Supt. Albano, magaling din itong makisama sa mga kagawad ng media, ayon na rin sa ating mga nakakausap mula sa ating mga kaibigang nagkokober sa Kyusi.
Kumpleto rekados, ‘ika nga, ang kanyang katangian bilang isang lider ng kapulisan kaya napakabango ngayon ng imahe ng QCPD.
Sa tingin ko, malayo pa ang mararating nitong si Chief Supt. Albano dahil na rin sa kanyang mga ipinakikitang kahusayan sa pagseserbisyo sa bayan.
Harinawa, ang paggawad sa kanya ng kanyang inaasam na estrelya ay isa lang sa napakarami pang hakbang sa kanyang paglalakbay upang mapaglingkuran ang ating mga mamamayan.
***
Para sa inyong komento at reklamo, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com.
The post ESTRELYA NI CHIEF SUPT. ALBANO appeared first on Remate.
