SANA raw, hipuin ng mapagpalang Poong Maykapal si Zambales Gov. Hermogenes Ebdane para mahinto na ang patuloy na pag-aapruba ng mining permits na nais magmina sa kanilang probinsya.
Sa kabila raw kasi ng napakarami ng mining firm na pinayagang magmina sa iba’t ibang lugar ng lalawigan, ayaw pang lumubay ang gobernador sa pag-iisyu ng permiso sa pagmimina.
Kaya ang pangamba ng mga residente, baka raw lumubog ang Zambales at tuluyan itong mabura sa mapa ng Pilipinas dahil sa sobrang dami na ng mining company na nag-o-operate na sa probinsya.
Sa rekord na ibinigay sa Chokepoint, 94 company ang binigyan ni Ebdane ng permit para mag-operate ng small scale mining, subali’t ang ilan sa mga ito ay nag-o-operate ng large scale mining.
Ang large scale mining ay lubhang mapanganib dahil mabilis nitong sinisira ang kalikasan, ayon sa grupo ng bantay kalikasan na nakausap ng Chokepoint.
Hindi natin minemenos ang liderato ng kasalukuyang pamahalaang lalawigan, bagkus ang ating pagpuna ay magsilbi sanang paalala kay Gov. Ebdane na mapanganib ang pagmimina, lalo na kung sobra.
Ang nakasalalay rito ay ang buhay ng mamamayan kapag nagkaroon ng malawakang baha na tiyak na mag-iiwan ng trahedyang maisusulat sa kasaysayan dahil sa sobrang pagmimina.
Oo nga’t ang pagmimina ay nagbibigay rin ng kaluwagan sa kapitolyo dahil sa buwis na nakukuha, gaano man ang laki nito, mas mahalaga pa rin ang buhay ni Mang Juan at Aling Maria.
Paulit-ulit ko mang isipin na ang pag-iisyu ng permiso sa mining dahil kailangan ang dagdag-kita para sa mamamayan, nariyan pa rin ang pagdududang may nangyayaring kababalaghan sa kapitolyo ng Zambales.
Para mawala na ang duda ng mga Zambaleño, nararapat sigurong ihinto na ni Gov. Ebdane ang pamimigay ng permiso sa mga mining firm na nagnanais mag-mina sa kanyang lalawigan.
Kung ikaw ay tunay na nagsisilbi, isusugal mo ba ang kapakanan ng iyong mga kababayan kapalit ng mining permit na alam mong magiging sanhi ng trahedya sa kalaunan.
‘Yan ang mensahe sa mga taga-kapitolyo ng Zambales na nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa idinaraing ng mga kababayan.
The post MABUBURA SA MAPA ANG ZAMBALES appeared first on Remate.