PAREHONG binubulabog ng problema sa trapiko ang mga lungsod at bayan nina Mayor Erap Estrada ng Maynila at Mayor Omeng Ramos ng Sta. Maria, Bulacan.
Ngunit magkaiba, mga Bro, ang mga problema bagama’t may pagkakahawig.
ANG MGA PAGKAKAHAWIG
Epekto sa sikmura ng mga tsuper at operator ng mga bus ang naging problema sa Maynila.
Bigla umanong lumiit ang kita ng mga tsuper at konduktor nang hindi pinapasok nina Mayor Erap ang mga bus sa loob ng kanilang lungsod. Siyempre pa, nadamay na rin ang mga operator.
Ang mga hulugan na bus na kung ilang milyon ay nanganib na hindi makabawi ng panghulog ang mga operator.
Sikmura rin ang epekto ng walang habas na panghuhuli ng mga traffic enforcer ni Mayor Omeng sa mga jeepney dahil umano sa mga violaton sa kanilang municipal ordinance sa trapiko.
Itinaas pa umano nang doble at triple ang mga multa kaya lalong nakararanas ng gutom ang mga tsuper, kasabay ng walang awang panghuhuli.
Nanganganib din sa kanilang panghulog ang mga operator ng mga jeepney.
GALIT: ISA PANG PAGKAKAHAWIG
May galit na naramdaman ang mga tsuper at operator dahil sa bus ban ni Mayor Erap.
Galit din ang mga tsuper ng mga jeepney kay Mayor Omeng.
Nauna nang may nakipagpulong na mga tsuper at bus operator kina Mayor Erap at pinaplantsa na ang mga gusot.
Balak namang makipag-usap ng mga jeepney driver kay Mayor Omeng.
ILANG PAGKAKAIBA
Sa Maynila, inaakusahan ng pamunuan ng lungsod ang maraming pulis na grabe ang korapsyon.
Sa Sta. Maria, Bulacan, walang naririnig mula sa mga pamunuan na nagdiriin ng korapsyon sa bahagi ng mga traffic enforcer.
Gustong linisin ng Maynila ang hanay ng mga iskalawag sa traffic management upang tunay na makapaglingkod ang mga ito sa pagsasaayos ng daloy ng mga sasakyan at tao sa loob nito.
Sa Sta. Maria, mayroon bang balak o aksyon na ganito?
ISA PANG PAGKAKAIBA
Sa Maynila, wala pa tayong naririnig na tinodas na traffic enforcer dahil sa kanilang kaswapangan o sobrang pagiging istrikto at walang patawad kahit sa mga maliliit na bagay.
Sa Sta. Maria, Bulacan, naranasan na ng administrasyon ni Mayor Omeng ang sunod-sunod na pagpatay sa kanyang mga traffic enforcer dahil sa kawalan ng patawad ng mga ito sa mga maliliit umanong bagay, bukod pa sa pagiging korap umano ng nakararami sa mga ito.
Korap dahil ginagawa na uma-no nilang hanapbuhay ang panghuhuli para may komisyon silang malaki sa tuwing maniningil dito.
PAGKAKAIBA PA
Bago nagpatupad ng bus ban ang Maynila, nagkaroon ng mga pagbabalita ukol dito.
Pero nabigla lang ang mga tsuper at operator ng bus sa bilis ng pagpapatupad ng patakarang bus ban.
Sa Sta. Maria, Bulacan, mga Bro, wala silang kaalam-alam na sobra na pala ang taas ng singilin ng mga traffic enforcer.
At ang sisipag ngayon ng mga traffic enforcer na manghuli.
Lumalabas tuloy na habang may bus ban na ipinatutupad ang Maynila, two birds in one stone ang gamit.
Tiyaking magiging maayos ang trapiko sa Maynila at mabubura ang korapsyon sa lansangan.
Sa Sta. Maria, Bulacan, walang malinaw na aksyon maliban lang sa paglipana ng mga traffic enforcer na tuwang-tuwa pa yata sa gutom na nararanasan ng mga tsuper na kanilang hinuhuli.
At marami na umano ang hindi bumibiyahe. Paano ka nga naman umano bibiyahe kung ang dating P100 na violation kuno ay ginawa nang P500?
KINABUKASANG NAG-AANTAY
Pagaan nang pagaan ang kalagayan ng bus ban sa Maynila dahil mayroon nang mga pinapapasok na galing sa mga lalawigan.
Basta hindi kolorum at may prangkisa at terminal, ayos na sa pamahalaang lungsod.
May mga natutuwa na ring mga mamamayan dahil natitigil na rin ang paglipat-lipat ng mga ito ng mga sasakyan mula sa bus hanggang sa mga jeepney, taxi, traysikel, pedicab at kuliglig.
Sa Sta. Maria, Bulacan, walang nakikitang ikagagaan ng buhay ng mga tsuper at operator.
At ang nakatatakot, baka maulit na naman ang sunod-sunod na pagpatay sa mga traffic enforcer sa lugar na ‘yan.
Kung tutuusin, ayon sa mga dumarating na ulat sa atin, tahimik na bayan ang Sta. Maria, Bulacan pero baka magkaroon ng mga gulo sa lansangan dahil sa kagutumang sinasapit na ng mga tsuper at operator.
Eh, may pamilya ang mga ito na pinakakain, pinag-aaral, pinagagamot at iba pa.
UNSOLICITED ADVICE
Mungkahi natin kina Mayor Erap na pagtiyagaan nilang makipag-usap sa mga apektadong tao, maging ang mga pasahero.
Kina Mayor Omeng, aba, kahit na balak pa lang na makipag-usap sa inyo ang mga tsuper at operator, magandang magpatawag na kayo ng mga pag-uusap.
Mahirap nang maulit nang maulit ang mga patayan sa inyong lansangan.
KATARUNGAN KINA KHO, LORETO
Aantayin natin, mga Bro, ang resulta ng pagkilos ng mga awtoridad sa mga pumaslang kina Richard Kho at Bonifacio Loreto na kabaro natin sa propesyong tagahatid balita.
Sa pagtingin natin sa pangyayari, tatlo ang malinaw na katangian ng mga pumaslang: dalubhasa sa pamamaslang, walang intensyon na iiwang buhay ang mga biktima at parang libre sa checkpoint.
Sa nagaganap na ito, sino-sino na naman ang susunod na mapapaslang?
MEDIAMEN NANGANGANIB
Sa nagaganap na pagpatay sa mediamen, wala nang nakatitiyak sa ating hanay na ligtas sa mga utak-pulburang kriminal.
Tulad ng nangyari kina Kho at Loreto, maaari tayong pagpapatayin mismo sa ating mga tahanan.
Kung hindi sila magtagumpay, mismo sa mga lansangan at bakuran ng ating mga pinagta-trabahuhan.
Kaya naman, nananawagan tayo, mga Bro, sa mga awtoridad na bigyan ng pansin ang mga pagpaslang sa mediamen.
Kung nagagawang pagpapatayin ng mga kriminal ang ating mga kabaro sa anomang oras at araw, ganito na rin ka-saklap ang kalagayan ng mga ordinaryong mamamayan.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.
The post MAYOR ERAP SA MAYNILA AT MAYOR OMENG SA BULACAN appeared first on Remate.