KAHIT ayaw magkasala, napamumura.
Iyan ang tagong katotohanan ngayon sa karamihang Pinoy na nabubwisit na sa sobrang taas ng bayarin sa kuryente at tubig.
Sa totoo lang, hindi pagkain, bagkus ang nakasasakal na presyo ng kuryente at tubig ang numero unong problema ng pamilyang Pinoy.
Ito’y napakalaking problema ng bansa na dapat sanang pinagtutuunan ng pansin ng gobyerno ni Pangulong Noynoy Aquino.
Pero, tila, hindi ang sobrang taas na bayad sa kuryente at tubig ang prayoridad na mabigyan ng solusyon ni PNoy kung kaya’t dinededma ito.
Kung may malasakit ang Aquino administration sa power and water bill problem, sana’y isa ito sa naging tema ng Sona speech ng Pangulo.
Kung nagalit si PNoy sa BOC dahil sa patuloy na korapsyon, mas dapat siyang magalit sa napakataas na presyo ng kuryente at tubig.
Nagpahayag si Sen. Ralph Recto na kanyang paiimbestigahan ang napakamahal na bayarin sa kuryente at tubig. Dapat lang, Mr. Senador.
Nababahala ang sambayanan dahil sa ilang taon na lumipas, ayaw maglubay ang Meralco sa pag-aanunsyo at pagsasagawa ng power rate hike.
At tila, minamalas ang mga Pinoy dahil kamakailan ay nag-anunsyo rin ng pagtataas ng water rate ang Maynilad at Manila Water.
Kung noon ang isang pamilya na may limang miyembro ay nag-babayad ng P300 kada buwan, ngayon ay P1,500 na.
Ito’y dahil lahat pala ng iba pang gastusin ng dalawang kompanyang ito ng tubig ay sa bulsa pa nina Mang Juan at Aling Maria kinukuha.
At ang matindi ay ito – pati pala ang obligasyon na buwis ng dalawang water company na ito sa gobyerno ay sa bulsa rin natin kinukuha.
Por Diyos Por Santo. Saan ka nakakita ng kompanya sa bu-ong mundo na ang taumbayan ang bumabalikat sa kanilang gastusin?
Onli in the Pilipins nangyayari ang karumal-dumal na ginagawa ng Maynilad at Manila Water.
Again, ano ang ginagawa ng gobyerno para mahinto ang gina-gawang ito ng dalawang kompanyang ito? Walaa…Wa ka nga!
The post KURYENTE AT TUBIG SA PANAHON NI PNOY appeared first on Remate.
