NOONG Biyernes, August 2, 2013, bago magtanghali, pinagbabaril ng hinihinalang gun for hire sa mismong minamanehong tricycle niya itong si Rainier Natividad, first kagawad sa kanilang lugar sa Sta. Cruz, Maynila.
Hindi pa batid ng mga tauhan ng Manila Police District-Homicide Section ang totoong dahilan sapagkat nag-iimbestiga pa ang mga ito.
Kilala naman natin itong hepe ng Homicide Section na si Insp. Steve Casimiro na hindi maglalabas ng detalye hangga’t hindi sila sigurado sa mga hawak nilang testigo at ebidensiya.
Duda ng ilang malalapit sa biktima na pulitika ang dahilan nang pagpatay kay Rainier na sinasabing tatakbong chairman sa kanilang lugar sa darating na Oktubre.
Mahirap lang si Rainier at ang pamilya nito kaya’t wala siyang gagastusin sa halalan sa pagka-chairman.
Pero dahil mahusay makisama sa mga kapitbahay at mga kakilala, may posibilidad na maipanalo niya ang kanyang laban.
Kaso, hindi na nga mangyayari dahil kumilos na kaagad ang may salapi at ibinayad na siya kaagad upang hindi na makaporma sa darating na halalan.
Pinatay siya sa Herrera St. na medyo malayo sa kanila subalit kung saan nakatira ang gunman.
Maraming nakakita sa pamamaslang. Hindi bababa sa 20 katao ang nakasaksi dahil katirikan ng araw nang mangyari ang pagpatay.
Subalit walang nais magsalita, walang nais tumestigo sapagkat takot sila sa gunman. Pero naniniwala ang mga saksi na kaibigan ng gunman ang nag-utos ng pagpatay.
Sakaling madakip ang salarin, tiyak na mabubuking kung sino ang nag-utos sa kanya na patayin si Rainier. May nagsasabi na nahihiya ang mastermind na talunin siya ng isang pipitsuging tricycle driver gayong may pera siya at ang kanyang pamilya.
Nahihiwagaan lang talaga ang PAKUROT kung anong meron sa halalan sa barangay at bakit kailangang maging madugo ito. Malaki ba ang pera sa usaping ito? Ano ang meron sa pagiging kapitan ng barangay at pinag-aawayan ang puwestong ito? Malamang nga ay pera pa rin ang ugat nito. May mga proyekto bang sa barangay dumaraan ang negosasyon?
Well your guess is as good as mine.
oOo
Happy birthday to my precious jewel Emmanuelle John Bascuguin, of Quezon City Public Affairs and Information Service Office (QC-PAISO), who will celebrate tomorrow, August 8.
The post ANONG MERON SA BARANGAY ELECTION? appeared first on Remate.
