MASIGABONG palakpakan dapat ang ibigay sa “no take policy” ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Marcelo Garbo Jr. sapagkat para sa kanya ay isa itong paraan para matigil ang mga iligal na sugal at bisyo na pinagmumulan ng pangongotong ng mga pulis.
Subalit hindi naman lahat ay takot sa kanyang “strict policy” sapagkat wala pa nga namang opisyal na nasasampolan dahil ang mga nasa kalye ay pawang non-commissioned officer na ‘prone’ sa kotong. Pero sino nga ba ang nag-uutos sa kanila na mangolekta?
Aba’y kailangang magsimula na si Garbo sa panghuhuli ng mga pulis na nangongotong sa kalye kasi iniisip ng mga opisyal na salita lang ang kanyang babala na “one strike policy.”
Sabi kasi nila, nagpapataas lang daw ng presyo si Garbo. Aba’y Gen. Garbo, hinahamon ka ng mga mokong. Huwag mo na silang tuyuin para hindi ka nila tuyain.
o0o
Pulis ang protektor ng iligal na terminal ng taxi sa Genesis Terminal sa Edsa-Rotonda sa Pasay City kaya naman malakas ang loob ng taxi drivers na kontratahin ang mga kawawang pasahero.
Kapag hindi ka pumayag, kukuyugin ka ng barkers at kolektor na nakatoka sa lugar. Double whammy ang inaabot ng pasahero dahil kinontrata ka na ng driver, hihingian ka pa ng pera ng barker o kolektor. Para raw iyon sa pulis at sa mga tao sa city hall.
Hindi sana maniniwala ang PAKUROT na may kabahagi ang pulis kung hindi sana may dumating na pulis lulan ng pulang motorsiklo (7949 PK) na inabutan ng perang papel ng kolektor.
Dahil sa pulis, lalong lumakas ang loob ng driver ng EF Taxi (UVS-179) na hindi magsakay kung hindi rin lang kontrata sa pasahero na patungong NAIA.
Ang masakit pa nito, dahil sa pag-ayaw ng pasahero, pinagsisigawan naman siya ng barker.
Ganun, kawawalanghiya ang mga ungas.
Ipinagmamalaki pa na ligal ang terminal na hawak nila dahil nagbibigay sila ng parating sa pulis at sa tao ni Mayor. Haaa? Ayun naman pala.
The post PULIS AT TAGA-CITY HALL, PROTEKTOR NG ILLEGAL TERMINAL appeared first on Remate.