UPANG mapigilan si Janet Lim-Napoles na makalabas ng bansa bagaman may hold departure order (HDO) na ipinag-utos ang Department of Justice (DoJ), nagsiguro pa rin ang tanggapan ni Secretary Leila de Lima kung kaya’t hiniling sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkansela ng pasaporte ng negosyanteng sangkot sa P10 billion pork barrel scam.
Tiyak na ilang panahon na lang ay lulutang na si Janet Napoles sapagkat maging ang kanyang yaman ay ipinag-utos na rin ni De Lima na i-freeze.
Ayon sa kalihim, hindi 46 na bank account ni Napoles ang kanilang pinigil kundi 415, kasama ang kanyang insurance at maging ng iba pa na nakapangalan sa kanyang mga kamag-anak.
Pero hindi pa rin kasiguruhan ang nasabing hakbang na wala nang perang posibleng magastos si Napoles sapagkat may mga kamag-anak siya at kaibigan na tiyak na tutulong sa kanya lalo’t nakinabang ang mga ito sa nasabing “wanted” sa batas.
May ilang nagtatanong din naman kung talagang totohanan ba ang ginagawang paghahanap ng National Bureau of Investigation (NBI) t ilang ahensiya ng pamahalaan sa nagtatagong negosyante na sinasabing pinakinabangan naman ng maraming mambabatas na nandaya sa kanilang pork barrel.
Hindi nakapagtatakang nasa tabi-tabi lang si Napoles at ang kanyang kapatid na si Reynald Lim subalit hindi nahuhuli sa posibilidad na nagpakawala ang mga ito ng malaking halaga upang magbulag-bulagan ang mga naghahanap sa kanya.
Hindi naman iisang beses nangyari ang insidente na ang wanted sa batas ay hindi mahuli-huli kahit pa ng NBI bagaman mahigpit ang utos ni Justice De Lima kaugnay sa pag-aresto.
Nangyayari ito kapag may involved na malaking halaga ng salapi.
Nagiging inutil ang mga ahensiya sapagkat karamihan ng mga nagtatrabaho rito ay pawang pera rin ang hanap upang mas gumaan ang kanilang pamumuhay.
Itanggi man ito o hindi, talagang kalakalan na ito sa ating bansa. Mas matimbang ang bigat ng pera kaysa pagtupad sa tungkulin.
Ang kaya lang hulihin kadalasan ng mga nasa NBI ay ang mahihirap na maliit lang ang kasalanang nagawa sa kanyang kapwa at hindi ang malalaking isda na nagpasasa sa yaman ng bansa.
The post MAHUHULI BA SI NAPOLES? appeared first on Remate.
