HALOS taon-taon na lang na tuwing panahon ng tag-ulan ay perhuwisyo ang inaabot ng ating mga mamamayan dahil sa napakabilis na pagtaas ng baha sa Kamaynilaan. Napakahabang panahon ang pagtitiis ng ating mga kababayan subalit tila hindi pa rin ito nasosolusyunan ng ating pamahalaan.
Problema rin ito noon sa Kuala Lumpur, Malaysia at sa Bangkok, Thailand ngunit ginawan ito ng paraan ng kanilang sariling mga pamahalaan upang maibsan ang paghihirap ng kanilang mga mamamayan.
Ano kayang meron sa mga bansang ito na wala sa atin at tila napakahirap para sa ating pamahalaan ang gumawa ng mga proyektong magbibigay ginhawa sa ating mga mamamayan? Ibig bang sabihin, eh, mas magagaling itong mga lider ng mga bansang ito samantalang sa hindi pa katagalang panahon, eh, tayo ang kanilang tinitingala?
Talagang minamalas lang yata ang ating bansa dahil hanggang ngayon ay hindi pa tayo nabibiyayaan ng mga lider na may tunay na pagmamalasakit sa ating mga mamamayan. Ang ating pulitika ay nakatuntong pa rin sa sistemang mas nananaig ang kagustuhan ng mga politiko na mangunyapit sa kapangyarihan sa halip na gumawa ng tama para sa bayan.
Mula noon hanggang ngayon, ang pangunahing problema pa rin sa ating sistema ng pulitika ay ang patuloy na pagkiling ng ating politiko sa dikta ng mga maiingay (na siya namang nagiging batayan ng pagiging popular) sa halip na manindigan sa kung ano ang mas makabubuti sa ating mga mamamayan. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit hanggang ngayon ay walang kakayahan ang ating pamahalaan na gumawa ng mga big-ticket project lalo na kung ito ay pinapapelan na ng mga grupong mahihilig mag-ingay.
Kapag ang isang proyekto halimbawa ay tumatama sa mga kabahayan ng mga iskwater (na pinasosyal sa tawag na informal settler ng mga plastik), tiyak na umaatikabong protesta ang sasalubong sa pamahalaan. At kapag ito ay sinawsawan pa ng ating hudikatura, tiyak na mababalahaw na ang isang proyekto na dapat sana’y mapakikinabangan ng karamihan.
Ayaw naman natin na maging insensitibo ang ating pamahalaan sa sinasabi ng mga maiingay ngunit sana naman ay timbangin muna nitong mabuti kung ang isang proyekto ay magbibigay ba ng kaginhawaan sa ating mga mamamayan o hindi.
Bagama’t naiintindihan din natin ang pagiging diskumpiyado ng ating mga kababayan sa bawat galaw ng ating pamahalaan, lalo na kung limpak-limpak na salapi ang sangkot sa isang proyekto, kailangan din nating bigyang-daan ang posibilidad na ito’y maganda para sa bayan.
At itong mga politiko naman ay napapanahon na nga rin sigurong sila’y maninindigan para sa tama kahit ito pa ang maging dahilan upang sila ay mawalan ng kapangyarihan.
Hangga’t patuloy na dinidiktahan ng mga maiingay ang patakbo sa ating bayan, huwag na tayong umasa na magkakaroon pa ng pagbabago na ikabubuti ng ating bayan. Hangga’t hindi natin matutunang manindigan para sa tama at makatwiran, wala tayong maaasahang pagbabago sa ating buhay.
***
Para sa inyong komento at reklamo, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com.
The post DIKTA NG MGA MAIINGAY appeared first on Remate.