NAPABUNTONG-HININGA ang milyong televiewer na sumusubaybay sa patuloy na kuwento tungkol sa pork barrel scam starring Janet Lim-Napoles.
Sa mga nangyayaring kaganapan, pakiwari natin, eh, walang panama ang high-rated ‘My Lover’s Husband’ teleserye ng GMA-7 network.
Kung ang Kapuso running drama na ito ay may mga sorpresa kaya kinagigiliwan ng manonood, aba’y ganon din ang PDAF teleserye.
Ang pagsuko ni Napoles kay Pangulong Aquino ay isang pangyayari na hindi inasahan sa pagpapatuloy ng kuwentong pork barrel scam.
Langya.
Taob ang lahat ng palabas sa telebisyon dahil sinusubaybayan nina Mang Juan at Aling Maria ang kaganapan ng pagsurender ni Napoles.
Ang ‘di inasahang anunsyo ni PNoy ng P10 million reward para sa pagkadarakip ni Napoles ay naging instant hit sa mga tagasubaybay ng PDAF scam.
Tiyak na sa susunod na mga araw lalong tututok ang taumbayan sa kaganapan na ito na naging ugat ng muling pagsiklab ng galit ng mga Pinoy.
Dahil sa anomalyang ito na direktang mga opisyal ng pamahalaan ang nai-involve, nagkaroon ng tinawag na million march sa Luneta.
Sa mga social networking site, ‘di maitatago ang galit ng sambayanan sa pamamagitan ng pagsigaw ng ‘ban pork’ o pagbasura sa pork barrel.
Dahil sa ipinakikitang galit ng sambayanan, inihayag ng Senate ang pagsasagawa ng inquiry kahit ang ilan sa mga kasama ay nadidiin sa isyu.
Sumuko na si Napoles at magkakaroon na rin ng imbestigasyon sa senado.
Ang tanong ng maraming sumusubaybay – saan proroon ang usaping ito?
Lalong mahihindik sina Mang Juan at Aling Maria sa pagsubaybay sa mala-teleseryeng kaganapan ng scam na ito starring Mrs. Napoles.
Magiging interesado ang sambayanan sa mga mangyayari sa isyung ito, lalo’t sumuko na nga si Napoles at ikinasa na rin ang imbestigasyon.
Magsasalita na ba si Napoles at ikukuwento ang tunay na kaganapan na bumabalot sa isyung ito.
May ibubulgar bang mga magnanakaw sa pamahalaan?
Ang mga yan ay masasagot sa pagpapatuloy ng oink oink teleserye ni Janet Napoles.
Huwag bumitaw, ipagpatuloy ang pagsubaybay.
The post OINK! OINK! TELESERYE PATOK appeared first on Remate.
