HABAMBUHAY na pagdurusa ang daranasin ng mga mamamayang nakikinabang sa tubig ng dalawang concessionaires ng Manila Waterworks and Sewerage System sakaling magkamali ang board of trustees nito sa pagpapatupad ng “water rate rebasing” na iaanunsiyo anomang araw ngayong linggo.
Huwag sanang sablay ang kanilang pag-aaral sapagkat masa ang higit na magdurusa sa desisyon nila bagama’t ang water concessionaires ang magpapatupad nito.
Kapag pansariling interes, lalo na ang pagkita ng limpak-limpak na salapi, ang kanilang mas papaboran, higit na masasaktan ang consumers at apektado ang operasyon ng water concessionaires. Kailangang pabor sa lahat at hindi sa iisang panig lang.
Upang maging mahusay ang serbisyo publiko kaugnay sa tubig, bukod sa 24/7 ay dapat malinis at sapat ito hindi lang sa komersiyo subalit maging sa mga tahanan.
Kailangang tuparin nang maayos ng gobyerno ang napapaloob sa concession agreement sapagkat maayos naman ang pagpapatupad ng water concessionaires sa Public-Private Partnership kung kaya nga nagkaroon ng maayos na daloy o supply ng tubig ang bawat tahanan sa Kamaynilaan maging ito’y may depressed area.
Napalitan ang mga nilulumot at kinakalawang na pipeline kung kaya’t ligtas na ring gawing inumin ang mga tubig na tumutulo sa mga gripo sa bawat tahanan.
Tuloy-tuloy ang pagmamantine ng concessionaires sa kanilang mga nakalatag na tubo kung kaya’t walang dapat na ipag-alala ang publiko.
Kaya dapat lang ulit-ulitin habang maaga sa MWSS-BOT ang kanilang responsibilidad sa bayan at mamamayan at hindi sa sariling bulsa lang.
oOo
HALOS hindi magkamayaw sa tuwa ang mga matitinong opisyal at kawani ng Bureau of Customs matapos buwagin ni Customs Commissioner Ruffy Biazon ang mga opisinang bahagi sa pagpapahirap sa mga negosyante para lang sa kanilang pansariling kapakanan.
Dahil seryoso nga sa kanyang kampanya laban sa katiwalian at bilang pagsunod sa “Daang Matuwid” ay binuwag ni Biazon ang Task Force REACT na nasa ilalim ng kanyang tanggapan.
Nang itatag ni Biazon ang nasabing TF, nag-utos din siya ng “no take policy.”
Nakatanggap ng masasakit na pasaring at salita mula kay Pangulong Benigno Aquino III ang mga kawani at opisyal ng BOC noong magsagawa ito ng State of the Nation Address na ikinasama naman ng loob ng matitinong kawani.
Nabatid na ilang matitinong negosyante na may malalaking transaksyon sa BOC ang nagreklamo mismo sa Pangulo dahil sa pangongotong ng ilang nakatalaga sa Task Force REACT.
Nabatid na ilan sa mga umaabuso at nagpapakilalang taga-TF ay sina alias “Ric”, alyas “Reyes”, alias “Elvin” at alyas “Alex.” Sinasabing nakikipagsabwatan ang mga ito sa ilang taga-TF at iniipit ang mga kargamento upang makakotong sa broker at negosyante.
Teka, empleyado ba ng BOC ang mga ito? Baka naman nakikisawsaw lang para magkamal ng pera.
The post MWSS-BOT CONSUMER MUNA BAGO PERA, BOC-TF REACT BINUWAG appeared first on Remate.
