LIBANG na libang ang buong bansa sa pagsubaybay sa tila teleseryeng nangyayari ngayon sa pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles.
Kahit nahuli na siya at nakakulong na sa isang bilangguan sa Laguna ay hindi pa rin maka-move on ang mga reporter na nagkokober sa istoryang ito.
Maski pinakamaliit na detalye katulad ng kung ano ang kinakain at sinusuot ni Napoles ay ginagawa pa ring balita kaya’t mistulang komedya na ang nangyayari.
Sakay na sakay naman ang maraming politiko lalo na iyong may mga planong pumailanlang sa halalan sa 2016 dahil magagamit nila ang isyu bilang political investment.
At dahil sobrang busy tayo kay Napoles at sa iba pang mga scam daw sa pamahalaan ay hindi na natin nabibigyang pansin ang iba pang mga seryosong kaganapan.
Katulad na lang ng patuloy na kaguluhan sa ilang bansa sa Gitnang Silangan tulad ng Egypt at Syria kung saan ay libo-libong kababayan natin ang nagtatrabaho.
Bawat araw na lumilipas ay naglalagay sa kanila sa balag ng alanganin at kailangan din ang kongkreto at agarang aksyon ng gobyerno para tiyaking ligtas sila sa anomang kaguluhan.
Subalit dahil sa libang na libang nga sa iba’t ibang scam ang ating mga opisyal ay tila hindi nila napagtutuunan ng pansin ang sitwasyon at suliranin doon.
Para lang sa kaalaman ng ating mga lider, anomang oras ay maaaring maglunsad ng pagsalakay ang Estados Unidos at iba pang kaalyadong bansa laban sa pamahalaan ni Presidente Bashar al-Assad ng Syria.
Ito ay bilang tugon sa ginawa umanong chemical weapons attack ng tropa ni al-Assad laban sa mga mamamayan nila na nanawagan na bumaba na siya sa puwesto.
At siyempre, ‘pag lumusob ang US ay tiyak na sisiklab ang giyera roon na siya namang maglalagay sa alanganin sa buhay ng ating mga OFW.
Hindi rin nalalayo ang sitwasyon sa Egypt kung saan ay laganap din ang kaguluhan dahilan na rin sa kagustuhan ng mga mamamayan doon na ibalik sa puwesto ang pinatalsik nilang lider.
Libo-libong tao ang namamatay sa nasabing mga bansa araw-araw dahil sa iba’t ibang uri ng pag-atake at karahasan.
Pero gaya ng inaasahan ay tila kampante lang ang ating mga lider at mas gusto pang manood ng teledrama ni Napoles kaysa aksyunan ang sitwasyon sa Gitnang Silangan.
Tuwang-tuwa rin naman ang mga crusading journalist at broadcaster kuno dahil masaya sila ‘pag nakikita nilang nagkakagulo ang gobyerno.
Ang tanong ngayon, eh, paano naman ang ating mga OFW?
Nganga!!
The post PAGHANDAAN ANG GULO NA NAKAAMBA SA MIDDLE EAST appeared first on Remate.