NAGING whistleblower din ako noong bata pa ako at sa halip na ako ay kagiliwan ay napatalsik pa ako sa aking paaralan.
Second year high school ako noon nang mahuli ko ang isang teacher na nagbebenta ng pre-answered test papers sa kanyang mga estudyante.
Agad kong isinumbong ang teacher sa aming principal pero sa halip na pagsabihan ang guro ay pinatalsik pa nila ako sa aming paaralan. Kaya kung kayo man ay may balak na maging whistleblower, ang maipapayo ko sa inyo ay huwag na ninyo itong tangkain.
Naalala pa ba ninyo si Acsa Ramirez na empleyado ng Land Bank of the Philippines?
Nabuking niya ang isang katiwalian sa Land Bank at nang siya ay magsumbong ay ipinakulong pa siya ni pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
At siyempre, halos ganyan din ang nangyari kay Heidee Mendoza nang isumbong niya ang katiwalian sa Armed Forces of the Philippines. Walang nang-yari sa kanyang reklamo pero mabuti na lamang at siya ay ginawang miyembro ng Commission on Audit ni Pangulong Noynoy.
Sinumbong din ni AFP budget officer George Rebusa ang milyon-milyong pabaon ng mga heneral at ito ay nakarating sa Sandiganbayan. Dismissed ang kaso laban sa mga heneral dahil hindi naman daw pera ng gobyerno ang ginamit na pabaon sa mga heneral.
Masuwerte pa nga ang mga whistleblower na ito.
Si Wilfredo “Boy” Mayor ay ang nagturo ng mga involved sa jueteng pero in 2010, siya ay pinatay ng hindi pa kilalang mga salarin.
Buhay pa naman si Sandra Cam, isa pang jueteng whistleblower pero siya ay patuloy na patago-tago lamang.
Pinatay rin si Marlene Esperat, isang kawani ng Department of Agriculture, dahil sa expose niya sa isang diyaryo na kung saan ay nagsusulat din siya.
Isa pang sikat na whistleblower ay si Jun Lozada ng Philforest, isang ahensya ng gobyerno na sikat din sa katiwalian.
Si Lozada ang nag-expose ng NBN-ZTE scam pero kinasuhan siya ng mga bata ni Noynoy ng graft and corruption.
The post AKO MAN AY NAGING WHISTLE BLOWER DIN appeared first on Remate.