PANAHON na talagang pakinggan ng pambansang pamahalaan ang boses ng mga maliliit na labis na napipinsala sa mga kalamidad.
Isa sa mga halimbawa ng mga maliliit ang mga residente at opisyal ng mga lokal na pamahalaan.
Kaugnay ng bagyong Odette at habagat na dumating sa ating bansa, kabilang sa mga napinsala ang maliit na bayan ng Subic, Zambales.
Malaking lungsod ang Olongapo ngunit ang mga ordinaryong mamamayan din ang labis na napinsala.
Dinaluhong ang mga ito ng baha at kamatayan at kasiraan sa ari-arian at hanapbuhay ang kanilang tinamo.
ANG SUBIC
Kung pag-aaralan ang bayan ng Subic, may patag itong bahagi at dito nakakonsentra ang mga tahanan, munisipyo, eskwelahan, negosyo at iba pang ari-arian ng mga mamamayan at pamahalaan.
Sa ‘di kalayuan ay ang mga burol at bundok na nakapalibot sa kabayanan at mga barangay na naroroon ang nasabing konsentrasyon ng lahat.
Kaya naman, sa pagbuhos ng ulan sa buong bayan, rumagasa ang baha sa konsentrasyon ng mga mamamayan at pamahalaan patungo at pababa sa Subic Bay.
At nakalulungkot isiping marami ang namatay sa landslide na malapit lang sa kabayanan.
Sa tinatayang 60% na nabaha sa buong bayan, tinamaan ang konsentrasyon ng mamamayan at pamahalaan.
Kaya ganun na lang ang pinsala na tinamo ng mga ito nang daluhungin sila ng bagyong Odette at habagat.
ANG OLONGAPO
Mas bulubundukin ang konsentrasyon ng mga mamamayan at pamahalaan sa lungsod ng Olongapo kumpara sa Subic.
Subalit, gaya ng bayan ng Subic, napalilibutan din ito ng mga bundok at burol.
Kaya naman, pagbuhos ng ulan mula sa bagyong Odette at habagat, dinaluhong ng baha ang halos buong lungsod.
At ganun na lang ang pinsalang tinamo rin ng mga mamamayan sa Olongapo.
NGAYON LANG NAGANAP
Kuwento ng mga taga-Subic at Olongapo, ngayon lang naganap ang ganitong pagbabaha.
At inaasahan na nilang magiging paulit-ulit ang nakatatakot na pangyayari na tiyak namang magtatakda pati ng kanilang kinabukasan.
‘Yun bang === kung masama ang nagaganap ngayon na pagbaha sa kanilang mga bayan, tiyak na magiging mas masama ang magaganap sa mga darating na araw.
BINGI ANG PAMAHALAAN
Para sa mga taga-Subic, matagal na nilang hiniling sa pambansang pamahalaan na magsagawa ng pagkalkal at pagpapalalim ng kanilang ilog.
Subalit ‘di sila pinakinggan ng pambansang pamahalaan, maging ng pamahalaang Aquino. Nakapako ang pamahalaang Aquino sa pagpigil sa katiwalian sa pamahalaan at ito umano ang dahilan kung bakit naging bingi ito sa nasabing kahilingan.
Hindi nakita ng pambansang pamahalaan ang halaga ng kahilingan ng mga maliliit na opisyal at residente at nagbunga ito ng kalamidad sa kanilang bayan.
Mananatili kayang bingi ang pamahalaang Aquino sa boses ng mga taga-Subic at tanging ang mga katiwalian ng mga big boss sa Malakanyang at Kongreso ang aatupagin nito?
BINGI RIN SA OLONGAPO
Sa dumarating na balita sa atin, hindi lang ngayon nabaha nang todo ang malawak na bahagi ng lungsod ng Olongapo.
Mayroon na ring nagdaang mga baha na palatandaan ng pagdating ng unos sa mga darating na panahon.
Marami nang kahilingan para sa karagdagan at maayos na mga drainage sanhi ng pagdami ng mga naninirahan at pagtatayo ng tahanan ng mga ito.
Ngunit makaraan ang panunungkulan ni Sen. Dick Gordon bilang mayor ng lungsod, parang wala na umanong nangyari dahil naging bingi na umano ang ilang sumunod na mga pinuno rito sa mga hinaing ng taumbayan.
Paunlad nang paunlad ang Olongapo noong panahon ni Sen. Dick sa gabay ng “Aim High Olongapo” at “Bawal ang Tamad” sa Olongapo na prinsipyo.
Mula sa abo ng Mount Pinatubo at paglayas ng mga Kano dahil sa pagsabog ng bulkang nabanggit na nagpadapa sa lungsod, nakabangon at umunlad ito nang husto sa pagpapalago ng negosyo sa Subic Freeport at ng mismong lungsod.
MAYAMANG BANGKRAP
Hindi umano maimadyin ng mga mamamayan sa Olongapo kung bakit naging bangkarote ang kanilang lungsod.
At ang pagkabangkarote nito ay kitang-kita sa dambuhalang utang ng pamahalaang lungsod sa kompanya ng kuryente na pinagkukunan nito ng elektrisidad.
Kaya naman, maaari na rin umanong walang panggastos sa mga daluyan ng tubig patungong Subic Bay na madali sanang lumamon sa anomang baha sa lungsod.
Sa kabila nito ay ang mga nagsipagyaman umanong mga opisyal ng lungsod bago sila dinapurak ng mga bagong pamunuan nito makaraan ang halalang 2013.
IRA NASAAN?
Malaki umano ang parte ng Olongapo City sa internal revenue allotment kaya naman pinag-aagawan ng mga sikat at madadatung na pamilya ang pamunuan ng lungsod.
Pupuwede sanang magmula rito umano ang pondong panlaban sa baha.
Ngunit nasaan ang pondong ito?
Kasama rin ba umano ang IRA sa mga nilantakan ng mga korap sa matayog na Olongapo City?
TUWID NA DAAN
Sa nakalipas na tatlong taon na umiral ang Tuwid na Daan sa lungsod, pagkabangkarote ang inabot nito sa halip na tuloy-tuloy na pag-unlad.
Sa bitbit na Tuwid na Daan ng pambansang pamahalaan na nagiging klaro sa pagbangga nito sa mga pang-aabuso at pagnanakaw sa kaban ng bayan, kabilang ang pork barrel scam na kinasasangkutan ni Janet Lim-Napoles, maaasahan naman ba ito na lumingap sa kalunos-lunos na kalagayan ng lungsod?
O dahil sa matinding korapsyon sa nagdaang administrasyon dito, eh, titigil din ito sa pag-ayuda sa mga taga-Olongapo?
Sana naman ay hindi mauulit ang kapabayaan at pagiging bingi ng pambansang pamahalaan sa Subic.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.
The post BOSES NG MALILIIT DAPAT NA PAKINGGAN appeared first on Remate.
