BABUYAN ang mukhang nais mangyari ni Senate President Franklin Drilon sa imbestigasyon ng blue ribbon committee na pinamumunuan ni Sen. Teofisto “TG” Guingona sa usapin ng “kababuyan” o pork barrel scam. Masakit na pangyayari ito kasi’y si Drilon mismo ang pinuno ng Senado.
Nanggalaiti si Guingona ‘pagkat mistulang hinarang ni Drilon ang pagharap at pagpapasabog sana ni Janet Lim-Napoles sa Senado kaugnay ng imbestigasyon sa eskandalo.
Humingi ba naman ng opinyon si Drilon kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales kung dapat bang paharapin sa Senate hearing si Napoles.
At ang naging sagot ni Morales ang ginawang dahilan ng Senate President para hindi lagdaan ang inisyung subpoena ni Guingona para kay Napoles.
Ayon kay Guingona, hindi dapat ginawa ni Drilon ang paghingi ng opinyon sa Ombudsman.
“The power of the Senate is Supreme, hindi puwede ang opinion ng ibang sangay ng gobyerno ay makialam dito,” ang galit na pahayag ni Sen. TG.
Pabor sa komite ni Guingona ang Saligang Batas at iba pang rulings ng Korte Suprema tungkol sa pag-iimbita ng mga resource person kahit may kaso pa. Sablay sa usaping ito si Drilon.
Lalong nagalit si Guingona kasi’y umepal din si Justice Secretary Leila de Lima sa hindi pagpapasipot kay whistleblower Benhur Luy.
Nagtali-talinuhan si De Lima nang unahan niya ang pag-invoke ng rules of the Ombudsman para sa usapin ng pagdadala ng ‘whistleblower’ sa Senado.
Karapatan aniya ng Ombudsman na huwag padaluhin sa ano-mang pampublikong pagdinig ang saksi kung sa paniwala nito ay makaaapekto ito sa pagsisiyasat at sa paghahain ng resolusyon ng kaso.
Sinupalpal sa mukha ni Guingona si De Lima at mabuti nga.
Napansin ba ninyo ang senaryo?
Ginamit nina Drilon at De Lima na palusot ang Ombudsman para huwag lumitaw ang katotohanan kapag nagsalita sina Napoles at testigong si Luy.
Hindi natin alam ang motibo ni De Lima na huwag “pakantahin” si Luy pero malinaw na “bata” siya ni Pangulong Aquino na nakakaladkad ang relasyon kay Napoles.
Lumitaw rin ang relasyon ni Drilon kay Napoles kung kaya hindi na nakapagtataka na harangin din niya ang pagsasalita ng utak ng kababuyang ito.
Minsan o baka madalas pa ngang nakahalubilo ni Drilon ang “reynang baboy” sa kural nito kaya wala siyang “K” umepal at magpabango sa usapin ‘pagkat lalo lang siyang nangangamoy.
At baka nga heto ang kinatatakutan niya.
Maraming tumbong ang sasabog, kasama ang ilang nasa Palasyo, kung sabay na haharap at magsasalita sa blue ribbon committee hearing ang reynang baboy at pinsang baboy.
Halatang binubusalan ang reynang baboy pati ang mga taon hindi sila magsisisigaw.
Mahalagang malaman ng taumbayan ang katotohanan …kesehodang tamaan ang mga dapat tamaan.!
The post BABUYAN SA USAPING ‘KABABUYAN’ appeared first on Remate.