TILA wala nang anghel na makikita sa Kongreso at Palasyo.
Iba na ang nakatira sa mga sagradong tahanang ito kung tawagin.
Sagrado dahil hindi ka pupuwedeng pumasok dito nang hindi nakasapatos at may disenteng itsura.
Higit pa, sa mga sagradong tahanang ito nakatira ang mga Boss ng mamamayan.
At wala nang dating ang pagsasabing ang mamamayan ang Boss ng mga honorable sa mga sagradong lugar na ito.
P50M SUHOL SA IMPEACHMENT
Nagpreno si Senador Jinggoy Estrada sa kung para ano at saan ang P50 milyon na Priority Development Assistance Fund na para sa bawat senador na bumoto sa pagpapatalsik kay ex-Chief Justice Renato Corona nitong nakaraang taon.
Pero noong una, noong nasa kalagitnaan siya ng kanyang privilege speech ukol sa kanyang pasabog, walang duda na suhol ang mga napakalalaking halaga sa mga senador na bumoto laban kay Corona.
At hindi na ito mabubura sa isipan ng kahit sinoman na nakarinig sa mensahe ni Jinggoy. Mahirap nang ibaling pa sa ibang kahulugan, kahit pa si Jinggoy ang magbaling, sa tumbok ng kanyang pasabog.
P450B SUHOL SA PAGLILITIS
Hindi na rin basta mabubura sa isipan ng mamamayang nakarinig sa pasabog ni Jinggoy na may P450 bilyong pinakawalan ng mga makapangyarihan sa mga buwan ng Enero hanggang Mayo 2012.
Ito ‘yung panahon ng paglilitis kay Corona na humantong sa pagpapatalsik sa kanya noong Mayor 29, 2012.
Ibig sabihin nito, lahat ng mga kongresman na nag-impeach kay Corona noon sa Kamara ay nakinabang sa dambuhalang salaping bayan.
At kasabay ng mga senador na naging matakaw rin sa PDAF. Ang mga senador ay nagkaroon ng dagdag na PDAF na P50M bawat.
Ang mga nagsilbing tagausig na kongresman, nagkaroon din kaya ng dagdag na PDAF?
HINDI LANG SINA DRILON AT ABAD
Hindi kailangang linawin kung kanino at saan nagmula ang mga salaping pinakawalan nina Sec. Butch Abad ng Department of Budget and Management at Senate President Franklin Drilon kaugnay ng impeachment.
Basta ang mahalaga ay parang nagtatapon lang ng dumi ang sinomang may hawak ng salaping bayan sa mga panahong ito at ang salaping bayan pa ang itinatapon dahil sa pampulitikang interes.
Hindi na kailangan pang sabihin ni Jinggoy kung sino-sino ang mga nasa likod na nagbibitiw ng salaping P50M additional PDAF sa mga senador at P450B PDAF para sa mga kongresman at senador.
271 KONGRESMAN IDAMAY
Upang makumpleto ang hakbang ng Tuwid na Daan, dapat na ring idamay sa usapin ang nasa 271 na kongresman na sangkot sa mga maaanomalyang PDAF.
Hindi kailangan ang mga whistleblower at obligasyon ng pamahalaan ang mag-imbestiga at magsampa ng kaso.
ALAM NA KUNG SINO
Ang mahalaga ngayon ay pumunta ka sa mga barangay.
At ito ang usap-usapan.
Pinatotohanan ni Jinggoy ang malawakang pagpapasasa at paglalaro ng mga nasa pamahalaan sa salaping bayan.
At bagama’t mahirap ngang mabura ang paghuhusga kay Jinggoy at ilang kasamahan nito na may kinalaman sila sa pork barrel iskam ni Janet Lim-Napoles, hindi basta mabubura ang kanyang ikinalat na balita.
At hindi na kailangang magsalita si Jinggoy kung sino-sino ang mga nasa likod nina Abad at Drilon sa paglalaro ng putik gamit ang salaping bayan.
PASABOG NA SUPOT
May nararapat lang na gawin si Jinggoy ukol sa kanyang pasabog.
Makikita lang ang buong katotohanan ng pasabog kung masusundan ito ng mga kaukulang kaso gaya ng ginagawa sa kanya at ilan niyang mga kasamahang senador.
Hangga’t walang maisasampang kaso kaugnay ng pasabog, mananatiling pasabog ito.
At supot pa.
TUWID NA DAAN
Kung hindi magagawa ni Jinggoy ang pagsasampa ng kaso, sino-sino ang mga dapat na kumalkal sa kanyang mga pasabog?
Sapat bang sabihin lang ng Tuwid na Daan na iresponsable ang pasabog ni Jinggoy?
Kung babalik tayo sa impeachment, may mga pagkakataon na sinasabing kaduda-duda ang mga pinagmulan ng rekord sa bangko laban kay Corona noon gaya ng maliit na babae at iba pang itsura ng tao.
Ang Tuwid na Daan ba ay kikilos para alamin talaga ang katotohanan ng pasabog ni Jinggoy?
Kung hindi magaganap ito, may ibig sabihin ito.
‘DI IPAPAKO ANG SARILI
Ang ibig sabihin ng hindi pagkilos ng Tuwid na Daan tungo sa mga hukuman ukol sa pasabog ni Jinggoy ay madaling intindihin: walang magpapako ng kanyang sarili sa krus.
Hehehe!
Kapag naganap ito, ang bansa ang kawawa.
Pinaglalaruan na lang ng mga suwapang sa kapangyarihan at salaping bayan ang mamamayan.
Pero hanggang kailan magtatagal ang ganitong kalakaran?
Kung noon ay may EDSA 1, ngayon naman ay mayroon nang Million People March.
Nakatatakot isipin na ang yabag ng Million People March ay hindi lang patungo sa Kongreso kundi sa Malakanyang.
Tandaan ninyo ‘yan!
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.
The post WALA NANG ANGHEL SA KONGRESO AT PALASYO appeared first on Remate.
