FINALLY, unti-unti nang dumarating ang relief items para sa mga victim ng typhoon Yolanda, pero pigil na pigil ang dating ng tulong na galing sa gobyerno.
Napakarami ring donasyon galing sa mga international donor pero sinasala ito ng gobyerno kaya’t pigil na pigil ang dating ng tulong.
Lagpas isang linggo nang natapos ang bagyo sa Bisaya pero napakarami pa ring biktima na walang makain, walang masilungan, napakaraming patay na hindi maipalibing, at walang gamot para sa mga nagkasakit dahil sa bagyong Yolanda.
Mabuti pa ang private sector at mga pangkaraniwang mamamayan. As usual, sila ang laging unang nakapagpapadala ng tulong sa mga nasalanta.
Maraming palusot ang gobyerno. Sira raw ang mga kalye kaya hindi sila makapagpadala ng tulong.
Wala rin daw silang mga sasakyan para hakutin ang relief items.
Kung mayroon daw mga relief item na galing sa gobyerno, ang mga ito ay kailangang ipadala muna kay mayor, at pagkatapos ay pupunta naman kay barangay chairman.
Kupit dito at kupit doon ang ginagawa yata ng mga ahensiya ng gobyerno, at ng mga gobernador, mayor at barangay chairmen.
Kaya pagdating ng tulong sa mga nasalanta ay gapatak na lang ang dumarating sa kanila.
Tuwing may calamity sa ating bansa ay ito ang nangyayari.
Perang donasyon ay ibinibulsa ng mga mapangsamantala.
Ang relief items, lalo na kung galing abroad, ay dinedekwat o dili kaya ay pinapalitan ng mga mas lumang kasangkapan.
Bilyon-bilyong pera rin ang nanggagaling sa foreign donors, pero nasaan na nga ba ang mga perang ito?
“Gagawa kami ng accounting kung saan napunta ang pera,” sabi ng tagapagsalita ng Malakanyang.
Kailan pa kaya?
At magkatotoo kaya ang pangako ng Palasyo na ipaliliwanag nila kung saan napunta ang mga ito?
The post NASAAN ANG PERA PARA SA YOLANDA VICTIMS? appeared first on Remate.
