MAGANDA ang proyekto ni Pangulong Noynoy Aquino at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga probinsiyang grabeng napinsala ni Pablo.
Nandiriyan ‘yung mga pangkabuhayang proyekto, pagre-repair ng mga nasirang kalsada at iba pang imprastraktura kagaya ng tulay at silid-aralan at siyempre ‘yung pagkukumpuni at pagtatayo muli ng mga bahay ng mamamayan na talaga namang giniba at binuwal ni bagyong Pablo.
Pero kapansin-pansin ang PNoy feeding na isasagawa ng DSWD sa Compostela Valley at Davao Oriental dahil bukod sa makatutulong ito sa nutrisyon ng mga mag-aaral sa naturang mga area ay mahihikayat pa rin nito ang mga kabataan pati na ang kanilang magulang na pabaliking muli sa paaralan ang kanilang mga anak.
Hindi lang pang day care ang feeding ng DSWD sa atas ni PNoy dahil maging ang mag-aaral sa elementary at high school ay sasakupin din nito upang matiyak na babalik ang ating mga kabataan sa pag-aaral.
Importante kay PNoy ang edukasyon ng mag-aaral sa bansa kaya’t doble kayod ang kanyang liderato para matiyak na ang kabataan sa naturang probinsya ay tiyak na magiging prayoridad pa rin ang kanilang pag-aaral dahil ito ang kanilang sandata para makaahon sa buhay.
Iaahon ng Pangulong Aquino ang dalawang lugar na nabanggit kaya’t samahan lang natin siya sa tuwid na daan dahil nandirito ang tunay na pag-angat ng bayan.
###
Mukhang hindi naging matagumpay ang kampanya ng Valenzuela PNP laban sa paputok.
Naging selective kasi ang tutok ng kampanya kaya’t sablay ang naging bunga.
Halos lahat ng palengke ay open ang bentahan ng paputok at maging sa lugar ng Mac Arthur highway lalo na sa tapat ng SM Valenzuela ay talaga namang dikit-dikit ang nagtitinda rito.
Mayroon namang lugar na talaga namang tinutukan kaya’t masasabi nating nagkaroon ng selective campaign ang mga bataan ni Senior Supt. Wilben Mayor.
Maraming sablay na naganap sa kampanya ng Valenzuela PNP laban sa pagbebenta ng paputok kaya’t nananawagan tayo sa NCRPO, partikular na kay Gen. Leonardo Espina, na imbestigahan ito dahil ang batas o direktiba ay pumapalpak kung ang tagapagpatupad nito ay may kinikilingan at nilalaktawan.

