MARAMI ang nagre-react kapag lumalabas na ang survey na gawa ng Social Weather Station at Pulse Asia. Hindi kasi sila naniniwala na malakas pa rin sa tao ang mga lider ng kasalukuyang gobyerno, maging ito man ay kabahagi ng ehekutibo, lehislatibo at hudikatura.
Lagi na lang daw kasing napapansin nila na angat sa survey itong sina PNoy at VP Binay gayong wala naman daw itong ginawa para masugpo ang korapsyon lalo’t lumilitaw sa huling kontrobersya na bahagi sila ng bulto-bultong pork barrel fund maging ito man ay DAP o PDAF.
Si PNoy ay tinawag pa ngang “hari ng pork barrel” habang si Binay naman ay binansagang “epal king” dahil na rin umano sa pakikisawsaw nito sa lahat ng pwedeng pasukang isyu maging ito man ay kabilang sa relief operation ng bansa gayong malinaw raw na pera pa rin ng mamamayan ang gamit nito.
Sa pinakahuling survey ng SWS nitong Setyembre, lumabas na bumaba lang ng konti ang grado nina PNoy at Binay sa mamamayan gayong nakita naman ang galit ng tao sa pork barrel fund.
Nito kasing Setyembre, umigkas ang galit ng publiko sa PDAF kaya’t labis tayong nagtataka kung bakit ganito lamang ang resulta ng pagbaba.
Hindi kaya may hokus-pokus ang surveys?
Sa survey hinggil sa pagkagutom ng tao, malinaw na lumabas nitong November survey ng SWS na 50 percent ng populasyon ng bansa ang nagsasabing sila ay hirap na hirap sa buhay kaya’t dito pa lamang malinaw na mali ang naging repleksyon ng survey sa tunay na dinaranas ng tao.
‘Pag gutom ang mamamayan, tiyak na galit ito sa pamahalaan dahil kulang ang ayuda at tulong ng gobyerno para maibsan at maiangat ang kanilang pamumuhay.
Ito ang sinasabi nating kalokohan sa mga survey at lalo pa natin itong makukumpirma kapag lumabas ngayong late part ng Nobyembre at ng paparating na Disyembre na mataas pa rin ang approval rating ni PNoy sa tao.
Mga bagay na dapat na nating ikonsidera lalo pa’t palpak naman talaga ang pagtugon ng gobyerno sa mga kalamidad sa bansa at pinakamasakit nga nito ay nanisi pa ang gobyernong ito sa halip na kaagad tumugon sa pangangailangan.
Isa pa ang DAP decision ng Supreme Court na kaabang-abang dahil dito natin makikita kung ano ang huling diskarte ng Malakanyang dahil malinaw na kapag nag negatibo ang hatol sa mga mahistrado ay tiyak na mag-iiba ang takbo ng gobyerno.
The post HINDI NA DAPAT MANIWALA SA SURVEY appeared first on Remate.