UMIIYAK na nagkuwento ng mapait na karanasan ng kanyang pag-a-abroad si Kristina ng Aklan. Nagtungo siya sa Bantay OCW sa Inquirer Radio 990 AM, at inilahad niya ang nangyari sa kanya sa Qatar.
Gayong dalawang taon lang ang nasa kontrata na dapat ipinagtrabaho niya roon, umabot pa siya ng mahigit apat na buwan dahil, anya, sa kakulangan ng ipasusweldo ng kanyang employer.
Bukod pa riyan, 350 US dollars ang sahod na nakasaad sa pinirmahan niyang kontrata, ngunit pagdating sa Qatar, 250 na lang ang aktuwal niyang natatanggap.
Hindi rin natupad ang trabahong alam niyang papasukan niya. Sa departamento ng Scrub and Cleaning siya dapat naka-assign ngunit naging yaya ito pagdating sa bahay ng employer. Hindi na raw siya nagreklamo bilang pakikisama sa tiyahin at kapatid na naroroon din sa employer na iyon at siyang nagpasok sa kanya.
Palibhasa’y magkakamag-anak, hindi naiiwasan ang mga hindi pagkakaunawaan. Kaya’t nang minsang nagtalo silang mag-kapatid, nanghimasok naman ang tiyahin nila at pinagbubugbog, aniya, siya nito. Hindi man siya nakaranas ng pananakit sa employer, matindi ang ginawa sa kanya ng tiyahin na itinuturing pa naman niyang pangalawang ina, dahil kapatid ito ng kanyang nanay.
Kinakagat, sinasampal at inuumpog ang ulo niya. Kaya’t nang ‘di na makatiis, sinadya na nitong huwag kumain sa loob ng apat na araw at ‘di na raw siya nagtrabaho, sa kabila ng pamimilit at mga pagalit ng kanyang tiyahin, upang mapuna ito ng kanyang employer.
Sinadya niya iyon para hilingin niya sa kanilang amo na pauwiin na lang siya.
Sa takot ng employer na baka sa kanila pa mamatay si Kristina o ‘di kaya’y magkasakit pa ito nang malubha, dahil hindi na nga siya kumakain, napilitan silang bilhan na lang ito ng ticket pauwi ng Pilipinas.
Sa ngayon, wala naman siyang planong idemanda pa ang tiyahin kundi inaaring talo na lang siya sa kanyang pag-a-abroad. Ang laking pagsisisi niya na nagtungo pa siya sa Qatar.
@@@
Nang mag-abroad si Nanay,
6 anak nagkahiwa-hiwalay!
Inilapit ni Jerry Canas ng Bulacan ang problema ng kapatid niyang si Elgie Demerin na nasa Riyadh, K.S.A. Isang beses sa isang araw lang, anyang, pakainin si Elgie.
Ang matindi pa nito, hindi naman siya binibigyan ng sahod ng kanyang employer.
Palaging sinasabi raw ng amo nito na ipadadala na lang niya sa nanay ni Elgie, ngunit niloloko lang niya ang ating OFW, dahil wala naman itong ipinadadala sa Pilipinas.
Dahil sa desisyon ni Elgie na magtrabaho sa abroad, naging sanhi rin ito ng pagkakawatak-watak ng kanyang pamilya.
Na-stroke kasi ang kanyang asawa kaya napilitan siyang maghanap ng ikabubuhay para sa anim na mga anak. Naiwan sa kapatid ni Elgie ang tatlong mga anak, isa naman sa piling ng mister niya at nasa Pampanga naman ang dalawa pa.
Ayon kay Jerry, hangad na lang ng kapatid niya na makauwi ng Pilipinas at dito na lang muling maghanapbuhay. Pakiusap din ni Elgie na makuha muna ang dalawang buwang sahod pa nito bago makabalik ng bansa.
Ipinagbigay alam na ng Bantay OCW sa ating POLO (Philip-pine Overseas Labor Office) sa Riyadh ang problema ni Elgie.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio 990 AM, Lunes–Biyernes, 10:30am-12:00 noon, audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapanonood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm. Helplines: 092764998-70/0920968-4700; E-mail: bantay-ocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com
The post BINUBUGBOG NG SARILING TIYAHIN SA SAUDI appeared first on Remate.