SA napipintong pagbaba ng presyo ng tinaguriang high price o premium brand na sigarilyo, ano kaya ang magiging epekto nito sa kalusugan ng tao?
Dahil sa proposal na ito ng Philip Morris Fortune Tobacco Corporation na ibaba ang presyo ng sigarilyong Marlboro ay naalarma ang Philippine College of Physicians at Framework Convention on Tobacco Control Alliance, Philippines.
Ito ang mga grupong nakipagbrasuhan laban sa mga biggest lobby group para itaas ang sin tax para nga naman maprotektahan ang mga kabataan, lalo na ang mga galing sa mahihirap.
Kung papayagan ng Bureau of Internal Revenue ang PMFTC sa kanilang binabalak na ibaba ang presyo ng lahat ng uri ng sigarilyong Marlboro ay lubha itong nakaaalarma dahil lalakas ang loob ng mga kabataang magbisyo at manigarilyo dahil sa bukod sa ito ay mababa ang presyo ay premium brand pa.
Sa opinyon ng maraming tao ay halos pare-pareho ang kanilang iniisip na maaaring dahilan ng kompanyang PMFTC sa pagbaba ng presyo…para mapagtakpan lang ang kanilang lost profit dahil sa pagsasabatas ng sin tax law.
Hindi kaya naiisip ng nasabing kompanya ang magiging kahihinatnan nito sa kalusugan ng tao, lalong-lalo na sa mga kabataan na magiging malakas ang loob na magbisyo dahil sa napamurang halaga ng lahat ng Marlboro variant?
Sana manindigan ang PCP at FCAP at ipagpatuloy ang kanilang pakikipaglaban para hindi payagan ang PMFTC sa kahilingan nito dahil kapag nagkataon ay sisirain nito ang kinabukasan ng ating kabataan.
Ito ang mahirap sa malalaking kompanya. Kahit na alam nilang makasisira ang kanilang produkto sa kalusugan ng mga tao ay wala silang pakialam basta ang importante ay kumita sila.
Huwag po tayong magsawalang kibo rito. Nakaaalarma po ang binabalak na pagbaba ng presyo ng sigarilyo, lalo na itong premium brand at high priced na Marlboro.
THANKS KAY GEN. ALBANO – QCPD PRESS CORPS.
Sa pamamagitan ng Lily’s Files, ang Quezon City Police District Press Corps. ay nagpapasalamat sa suportang ibinigay ni QCPD Director Chief Supt. Richard Albano noong gabi ng Dec. 20 na taunang Christmas party ng press corps.
Sa speech ni Gen. Albano, ay buong puso itong nagpasalamat sa press corps dahil sa suportang ibinibigay sa kanya, lalong-lalo na sa command, hinding-hindi raw niya makalilimutan.
Gen. Albano, sir, huwag sanang ikatangos ng ilong n’yo. Sa dinami-rami ng naupong district director ng QCPD, sa inyo lang kami nakaramdam ng importansiya. Sana po ay huwag kayong magbago sa pakikitungo sa mga mamamahayag.
Sa ngalan po ng QCPDPC at ng Lily’s Files Column ay taos puso po akong nagpapasalamat sa inyo, Gen. Richard Albano.
The post PAGMURA NG MAHAL NA YOSI NAKABABAHALA appeared first on Remate.