ANG pagkamamamayan o citizenship ay tradisyunal na tinitingnan bilang kontrata ng isang tao at estado. Ito ay nagbibigay sa isang indibidwal ng kaukulang karapatan at mga pananagutan sa lipunan.
Gayunman, sa panahon ngayon kung kailan komplikado na ang lipunan at namamayagpag ang pagiging gahaman ng mga may-ari ng kapital at mga taong sangkot sa pulitika, ang tradisyunal na kontratang ito ay dahan-dahang nababago. Ito ay napapalitan na ng tinatawag na pangkabuhayang pagkamamamayan o economic citizenship.
Ayon sa ika-18 siglong pilosopo na si Jean-Jacques Rousseau, “Ang pagkamamamayan ay isang kondisyong panlipunan.” May katotohanan ang sinabing ito ng pilosopong Pranses. Ngayon na malawak na ang hawak sa yaman ng mga mayayaman at mahirap, ang benepisyo ng pagkamamamayan ay lubos na tinatamasa ng mga mayayaman habang lumiliit naman ang kanilang pananagutan sa lipunan. Sila ay binibigyan pa nga ng puwang ng estado upang maging madali ang kanilang pamumuhay.
Samantala, ang mga mahihirap naman ay sagad-sagad sa mga pasaning responsibilidad. Dala ng kanilang labis na kahirapan, ang kanilang tinatamasang pagkamamamayan ay halos limitado sa pagboto lamang. Nananatili ang karapatang ito sa kanila sapagkat kailangang mabigyang katwiran ang pananatili ng mga pul-politiko sa poder.
Hindi maikakaila na walang kapangyarihan ang mga mahihirap na magpasya sa mga bagay na may kinalaman sa kinabukasan ng bansa, lalo na sa aspetong pang ekonomiya. Ang tungkuling ito ay sa loob ng mga board room pinagpapasyahan ng iilang may-ari ng kapital.
Tanging ang kagustuhan lamang ng minoryang mayayaman ang nasusunod. Hindi uso ang demokrasya at ang pagiging disente sa mga pulong na ito.
“Kami ay nandito para gumawa ng pera, hindi para magtapon nito,” ang laging pahayag ng mga may-ari ng kapital habang ipinagtatanggol ang kanilang sariling interes at kawalan ng interes na tumulong ng bukal sa kapwa.
Sa katunayan, kung sila ay nalulugi sa negosyo ay gagawa at gagawa sila ng paraan upang maipasa ang kalugihan sa mga mamamayan (ito ang dahilan ng madalas na pagtaas ng halaga ng kuryente, tubig, pagkain at iba pa).
Kung sila man ay magbigay ng mga donasyon ay tiyak na babawiin nila ito sa paghingi ng tax exemptions. Hindi sila nagbibigay ng walang kapalit at madalas ang katumbas nito ay kalugihan sa kaban ng bayan.
Pansinin na sadyang walang kapangyarihan ang mayorya sa lipunan kahit sa usaping pangkultura. Ang mga mahihirap ay tagatanggap lamang ng mga ipinamumudmod ng iilan mula sa itaas. Tagabili lamang sila ng uso upang makasunod sa moda.
Hindi nila napapansin na ang ganitong kaayusan ay lalo lamang nagdaragdag sa kanilang kawalan ng kapangyarihan.
Ang pagsunod ng mga mahihirap sa mga pinauuso ng mga mayayaman ay patagong pagtanggap sa kanilang kaaba-abang kalagayan. Para sa mayaman, ang mga mahihirap ay mabuting pambala lamang sa kanyon at tagabili ng kanilang ipinagbibili. (Itutuloy)
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa isang pribadong hot spring ay pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, Barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang ito sa Metro Manila at mula rito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Kontakin ninyo si Gene Lorenzo sa infinity_resort@yahoo.com para sa karagdagang impormasyon.
The post PANGKABUHAYANG PAGKAMAMAMAYAN (1) appeared first on Remate.