TAON-TAON, nagpapalit tayo ng kalendaryo. Bagong taon, bagong dagdag sa ating edad at pagkatao bilang pagtanda. Masarap tumanda na mayroong pinagkatandaan. Marami rin naman tayong kilala, tumatanda na, wala pa ring pinagkatandaan!
Isa riyan ang sektor ng mga politiko. Iyon at iyon din, sila-sila rin ang mga nakaupo sa pwesto. Matapos man ang kanilang termino, asawa, anak, apo, tatay, nanay, kapatid, bayaw at minsan, pati mga lola’t lolo.
Masuwerte na matatawag ang mga politiko, hindi ba? Marami sa kanila ang kilala natin ang buhay. Mula sa ordinaryong pamumuhay, ngayon ay pawa silang sobra nang yaman. ‘Yung ilan na rati ay nangangapitbahay lang para makakape o makakain, aba, sa pinakamahal na hotel at restaurant na kung mag-agahan hanggang hapunan.
Sabi nga, “when luck strikes, take everything you have in front!” Totoo naman ‘yun. Tingnan na lang natin si pork barrel queen Janet Lim-Napoles. Mula sa mahirap ay super bilyonaryo na ngayon. Mga dating sungkit-gamit, mga big time smuggler na ngayon. Mga dating bulakbol, gambling lords na rin. Big time.
Tuwing sumasapit ang Bagong Taon, lahat na yata ng New Year’s resolution ay nasa atin na.
PAG-BABAGO SA BAGONG TAON. Kapag nakaririnig nga tayo niyan ngayon, ang naaalala ko ay ROSARYO NG KATOLIKO sa haba ng litanya at paulit-ulit na dasal. Katoliko tayo, ha.
Naririnig natin ang “New Year’s resolution” kahit kanino. Mahirap o mayaman, artista o pangkaraniwan. Pero puwede na rin ‘yun dahil kahit papaano, alam natin ang salitang pagbabago.
Kayo ba, ano ang hinahangad at gusto ninyo na makamit na pagbabago? Kung ang lipunang Filipino ang pag-uusapan natin, malaking pagbabago ang dapat. Makinang diyan ang mula sa pinakamayaman, pinakamalinis, pinakamatapat, pinakamaayos – wala na lahat iyan!
Masdan ang paligid natin. Marumi, mabaho, masangsang, masikip at walang paki ang mga residente man lang. Ang mga gusali’t tahanan, bulok na at hindi man lang isinasaayos. Ang respeto ay halos wala na. Mula sa pagkakaisa at nagkakaisa, hati-hati na at magkakaaway pa.
Marami pa rin naman ang matitino, lamang, hinati ito ng mga politiko – aminin man nila o hindi. At ang mamamayan naman ay tila panatiko sa kanilang pagkampi at paniniwala. Hindi mabilang ang namamatay lalo na sa tuwing sasapit ang eleksyon.
Ang bansa natin na huwaran noon, ngayon ay iniiwasan. Kinainggitan tayo noon, ngayon ay nilalayuan. Isa lang ang ibig sabihin niyan. Napasailalim tayo ng mga limatik na lider ng bawat administrasyon, lalo na ngayon!
Bagong Taon, pagbabago? Darating tayo riyan.
The post BAGONG TAON, PAGBABAGO? appeared first on Remate.