KASUNOD ito ng isinulat natin na may titulong “Mga Bahag Ang Buntot Kay Sen. Miriam.”
May reaksyon ang isang tao alyas ‘pinoy_ofw’. Sabi niya, tanga raw ang Baletodo dahil kaya nga raw iimbestigahan ng Department of Justice ni Secretary Leila de Lima sa ilalim ng “Task Force Enrile.”
Katulad ng nasabi natin, wala tayong masamang tinapay kaninoman kahit na kay Sen. Miriam Defensor Santiago na alam din natin na maysakit kaya mahabang panahon na ay absent pa rin siya sa Senado. Lamang, bakit kapag may malaking isyu katulad ng huling imbestigasyon kay pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles ay bigla siyang lumalakas?
Ang siste nga, sa halip na ang imbestigahan ay si Napoles, ang idiniin niya ay si dating Senate President at ngayo’y Minority Leader Juan Ponce Enrile (JPE). Natapos tuloy ang imbestigasyon sa wala at natuto si Napoles sa pahayag na “I do not know” o kaya naman ay “I invoke my right against self-incrimination.”
Sa nangyaring iyon, malaking oras ang nawala, walang kuwentang panahon, pera ng bayan at pag-aaksaya ng pagod hindi lang ng mga senador at sangkot kundi ang buong sambayanan na sumubaybay. At dahil sa magkakasunod na delubyo’t kalamidad, natabunan ang matiwaling usapin ng pork barrel at Napoles.
Sabi ni pinoy_ofw, ordinaryo raw siyang mamamayan pero alam niya ang isyu ng smuggling na pinamumunuan daw ni JPE.
Kaibigan, sa imbestigasyon ng Senado noong nagdaan na taon ukol sa bintang na smuggling ng mga sasakyan sa Cagayan Economic Zone Authority ay itinigil ng halos lahat ng senador nang malaman nila ang totoo.
Ang importers ng sasakyan sa CEZA ay may sariling websites na naroon ang lahat ng uri na ipinasok nila sa atin. Bayad ang mga dapat bayaran na taripa at buwis. May permiso ng pag-angkat mula sa Bureaus of Internal Revenue at Customs at Land Transportation Office.
Ang tanging papel ni Enrile ay pagsasabatas ng CEZA bilang economic zone katulad ng paglikha niya ng batas ng Subic Bay Metropolitan Authority. Malaya ang sinoman na lumahok sa negosyo roon at iba pang mga economic zone sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa SBMA noong ito ay base militar pa ng U.S. Armed Forces, humigit kumulang 25 libo lang ang empleyado. Ngayon, sa kamay ng Filipino, halos 100 libo na ang obrero roon at dumarami pa.
Sa CEZA, halos 10,000 ang nabigyan ng trabaho ng vehicle importers. Ngayon, wala na sila dahil sa bintang na smuggling. May smuggling ba na kumpleto ang dokumento, permiso at bayaring buwis?
The post DOKUMENTONG OPERASYON, TURING NA SMUGGLING? appeared first on Remate.
