HINDI na malaking usapin sa Pilipinas kung gagawing ligal o hindi ang pagbebenta at paggamit ng marijuana o cannabis sativa tulad sa ilang estado sa Amerika na sinakyan ng Palasyo ang isyu.
Hawak ng Malacañang ang nagpapatupad ng batas kaya’t nasa kamay ng mga ito ang pagkontrol sa anomang uri ng bawal na droga maging ito ay marijuana, shabu, cocaine, ecstacy at mga katulad pang bawal na gamot.
May ilang opisyal ng pamahalaan na pinagkakakitaan ang droga at dahil malakas ang kapit ng mga ito sa pamahalaan ay nagagawa nila ang anomang nais nila lalo na ang gawing tanga ang mga kinauukulan kabilang ang mga fixcal sa Department of Justice.
Sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao, parang yelo lang kung ibenta ang shabu dahil kahit menor de edad ay nakagagamit na nito dahilan upang maging malakas ang loob sa paggawa ng karumal-dumal na krimen. Nakahihiya dahil mismong gobernador at mayor ang pasimuno ng sindikato ng droga.
Una, sugal ang pinagkakitaan nila, pero naging gahaman sa pera kung kaya’t pati droga ay kanilang pinasok na. Sayang daw naman ang koneksyon nila sa isang opisyal ng pamahalaang Aquino kung hindi pakikinabangan.
Binibigyang proteksyon kasi ng opisyal na ito ang mga nasa lokal na pamahalaan sapagkat mataas ang ambisyon nito sa 2016.
Maging sa Metro Manila ay nagkalat ang mga kabataang gumagamit naman ng solvent o rugby na sumisira sa kanilang murang kaisipan kung kaya’t bata pa lang ay sanay nang gumawa ng kalokohan at kasamaan.
Sana mabigyang pansin ng Department of Social Welfare and Development at maging ng Department of Health ang kalusugan ng mga taong ito upang maging maayos ang kinabukasan nila at hindi lumaking mga kalaban o salot sa lipunan.
Bulok o panis na ang katwiran ng DSWD na walang pondo kaya hindi nila mailigtas ang mga “batang hamog” mula sa paglusong sa burak ng kasalanan. Sariling bulsa kasi ang inuuna.
The post DROGA PARANG YELONG IBINEBENTA appeared first on Remate.