Quantcast
Channel: Opinions – Remate
Viewing all articles
Browse latest Browse all 7247

ISANG PAKIUSAP

$
0
0

baletodoKAMAKAILAN ay isang text ang dumating sa akin. May pakisuyo kundi man pakiusap na tigilan ko na raw ang kritisismo at pagpuna sa mga kahinaan at pagkukulang ni Noynoy Aquino III.

Ang kanyang dahilan, lalo lang daw nanlulumo ang mga Filipino tuwing nababasa nila ang puna ng BALETODO.

Kamakailan din ay mayroong nag-text sa akin na nagsabing bakit daw ako galit kay Aquino at bakit mas kampi ako sa mga kinasuhan ng Pangulo sa sala o alegasyon ng katiwalian at korapsyon. Salamat po.

Bagaman hindi nila binanggit kung sino ang mga tao, malinaw na tungkol kina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona at mga magsasaka-manggagawa ng Hacienda Luisita.

Una, wala tayo ni katiting na personal na galit kay G. Aquino.

Pangalawa, walang sinoman ang nagdidikta sa akin kung binabato ko ng mga puna o kritisismo ang anak ng hasyendero-komprador.

Pangatlo, isyu ang usapin at hindi kailanman personal. Kasunod, hanggang hindi siya gumagawa ng tama, patuloy tayo sa panawagan ng kanyang estilo at pagbabago sa liderato.

Maski sa aking social media accounts, may ilang nag-eespiya sa atin batay sa mensahe ng Facebook. Iniipon ang lahat ng ipinoste ko. At obyus naman kung kanino isinusumite ang mga tala ng kanilang ulat.

Okay lang iyon. Pero sa inyong pakiusap na tigilan ko na si Noynoy, puwede. Basta ba itama na niya ang kanyang mga ginagawa. Bigyan niya ng interes ang bawat isa sa atin, ang bigyan ng katatagan, ‘yung totoo na katatagan, ang ating bansa. ‘Yung bibigyan tayo ng respeto ng mamamayan ng mundo. Ano sa inyo?

Hayan nga, multi-milyon ang biktima ng kalamidad, sa halip na tulungan agad, marami ang unsiyami. Ang masakit, kinukulayan niya mismo ng pulitika ang dapat niyang gampanan. Namimili siya at ang kanyang partido ng tutulungan – ‘yun lang sakop ng kanilang kaalyado-pulitikal. Tama ba iyon?

Patuloy ang pagsasamantala ng mga kaibigan, kaalyado at kontribyutor noong siya ay tumakbong Pangulo. Walang duda, naniningil na sila.

Patunay riyan ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng petrolyo, LPG, presyo ng halos lahat ng pangunahing bilihin at pati na ang enerhiya. Umaksyon ba?

Tumaas man lang ba ang suweldo ng mga manggagawa? Dumami ba ang trabaho? Napatid ba o nabawasan ang kahirapan at kagutuman? Sumigla ba talaga ang ekonomiya?

Tumaas ba ang uri ng pamumuhay? Naibaba ba ang kriminalidad? Pantay ba ang pagpapairal ng batas?

Tapat ba sila sa bandila?

Ilan lang ito sa maraming tanong na hindi nasasagot dahil ayaw sagutin. Alam nila ang malaki nilang pagkukulang.

Sa kabila noon, nakatalikod pa rin sila kaysa bigyan ng solusyon ang lumalala pa, lalo na ang suliraning bayan.

Isang pakiusap, imulat ninyo ang inyong mga mata!

The post ISANG PAKIUSAP appeared first on Remate.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 7247


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>