O KAYONG mga nasa pamahalaan, pupuwede ninyong pag-usapan si Jesus Itim na Poong Nazareno. Lalo na kayong mga bossing o lider ng bansa mula sa
Palasyo hanggang sa Kongreso at Hudikatura at mga pamahalaang lokal.
Ang pag-usapan ninyo ay ‘bakit dinudumog ng mga tao, lalo na ng mga deboto’ si Nazareno? Kahit nanganganib ang buhay ng mga tao, sumusugod sila kay Nazareno para lang sila makahipo, makahalik at kung ano-ano pang pagpapakita ng sobrang pagmamahal, pagmamalasakit, pagpapahalaga at iba pa.
Pag-usapan ninyo kung bakit higit na marami sa inyo ang isinusuka, kinatatakutan at gustong sibakin na sa puwesto.
SUMAGOT SA KAHILINGAN
Ayon sa mga deboto na nagbabahagi ng kanilang mga karanasan, kung may sakit sila, gaano man kalala, gumagaling sila kung tumatawag sila kay Nazareno.
Kung bumagsak ang kanilang kabuhayan, nagbibigay rin si Nazareno ng paraan para sila makabangon muli. Si Nazareno rin ang nagbibigay sa kanila ng gaan ng loob sa pambibiktima sa kanila ng mga kriminal.
Kanlungan din Siya ng mga gustong makaligtas sa mga kalamidad o kung biktima man sila, Siya ang nagbibigay ng pag-asa na muli silang makasusumpong ng pag-asa at pagbangon sa buhay.
Malakas si Nazareno sa Diyos na siyang tunay na nagbibigay ng lunas sa mga sakit, nagbibigay ng tinapay at isda laban sa gutom, nagbibigay ng pag-asa sa mga bagsak ang kabuhayan at kaluluwa, nagbibigay ng pag-asa at pagbabago para sa kinabukasan at marami pang iba.
DEDMA ANG PAMAHALAAN
Sa pakiramdam ng maraming deboto, wala nang pag-asa mula sa pamahalaan o sa mga opisyal nito. Sa halip na tumugon sa mga kahilingan ng mga hirap at gutom na mamamayan, dedma lang ang mga ito.
Akalain n’yo bang ang sagot ng mga ito sa mga nagmamahalang petrolyo, kuryente, tubig, toll sa mga superhighway, pagkain, gamot, edukasyon at iba pa ay “wala kaming magagawa!”
Dahil may batas o kontrata umano sa mga ito gaya ng Oil Deregulation Law sa petrolyo, Electric Power Industry Reform Act sa kuryente, Reproductive Health Law sa pamigil sa pagbubuntis, batas sa konsesyon sa tubig at toll sa superhighway, kapangyarihan ng National Food Authority na magtaas ng presyo ng bigas at kung ano-ano pa.
Ang NFA ang nagtaas ng presyo ng bigas-NFA para malabanan umano nito ang presyo at kalidad ng mga magagandang bigas na paninda ng mga rice lord.
Nakaloloko at nakababaliw na aksyon ng pamahalaan at opisyales nito.
KASABWAT NA, PASIMUNO PA
Pero hindi lang dedma kundi pasimuno rin ang pamahalaan at ang mga opisyal sa pagpapahirap sa higit na nakararaming mamamayan.
Imadyinin n’yo na lang, ito palang pamahalaan ang humiling sa Korte Suprema na tanggalin na nito ang Temporary Restraining Order laban sa sobrang pagtataas ng halaga ng kuryente.
Sa pamamagitan ng opisina ng Solicitor General, hiniling ng pamahalaan na alisin na ang TRO at hayaan na ang Meralco na ipagpatuloy ang paniningil ng mahigit sa P4 bawat kilowatt hour na kuryente.
‘Yun bang === pabayaan na lang ang Meralco at ang mga planta ng kuryente na maningil ng patong nilang presyo sa dating mahigit sa P5 kada kilowatt hour.
Ito’y sa kabila ng sumbong na nagsabwatan ang maraming planta na magsara upang kapusin ang kuryente at magmahal nang todo.
At itong mahigit sa P4 nga na patong sa P5 ang gustong-gustong singilin ng Meralco at mga planta. Gusto pang gawing P8 kada kilowatt hour ang ipapatong dito sa huli.
PAGSASAMANTALA, LIGAL NA LIGAL
Isa pang kinabubuwisitan ng mga deboto at mamamayan sa pamahalaan ay ang takaw ng mga ito mula sa pondong bayan at salapi ng mamamayan.
Diyan lang sa Social Security System at Government Service Insurance System, milyones ang sahod, allowance at bonus ng mga bossing.
Tapos sasabihin nila na kaya sila nagpapataas ng kontribusyon ay maaaring maubos na sa mga taong darating ang mga pondo ng SSS at GSIS.
Ligal na ligal, sabi naman ng Malakanyang.
KORAPSYON DITO, KOTONG DOON
Hindi na nakuntento sa laki ng kanilang kita, naririyan pa ang mga korapsyon at pandarambong sa mga malalaking ahensya ng pamahalaan mula sa mga departamento hanggang sa Malakanyang at Kongreso.
Natatandaan pa ba ninyo, mga Bro, ang bilyon-bilyong pisong suhulan sa impeachment ni ex-Chief Justice Corona?
Dinadale naman nila ngayon ang housing sa Yolanda victims.
Siyempre pa, naglipana rin ang mga kotong cop at traffic enforcer ng mga lokal na pamahalaan.
12M DEBOTO
Tinatayang 12 milyong deboto ang nagpakita para lang kay Poong Nazareno sa Metro Manila.
Tiyak na iba pa ang mga may gustong pumunta ng Quiapo pero hindi nila magawa dahil sa layo nila kung sila’y nasa Hilagang Luzon o Kabisayaan o Kamindanaoan.
Ang 12M deboto ay kaunti lang ang diperensya sa 15M na boto ni PNoy nitong nakaraang halalan at lagpas sa 9M boto na nakuha ni Erap.
At malayong mas malaki ang boto nito sa pinagsamang boto nina Villar at Teodoro na nasa 9M boto lamang.
Kung kandidato lang si Nazareno, ihahampas nito sa lupa ang lahat ng mga kalaban nito. Hehehe!
Dahil nga sa marunong itong tumugon sa mga kahilingan ng mga tao, ng mga deboto.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.
The post ITIM NA POONG NAZARENO, BOSSING NA DAPAT TULARAN appeared first on Remate.
