NASA SALIGANG BATAS ang pagtiyak ng proteksyon at seguridad ng bansa at mamamayan para sa ating kagalingan ng lipunan. Na ang bawat serbisyo na tumutugon sa pambansang interes at kagalingan ay itinadhana para matiyak na walang magdurusa na sinoman.
Totoo ang pananakot ng Meralco na posibleng maulit ang karanasan ng kawalan ng kuryente noong panahon ng nanay ni Noynoy Aquino, si Tita Cory (daw). Sa nangyayari ngayon, tila wala man lang paggalaw at pagkabahala si Aquino sa banta ng Meralco.
Pilit na itinatanggi ng power producers na mayroon silang sabwatan. Sinabayan naman sila ng kuwestiyunableng namamahala sa Malampaya Gas Plant.
Kapag hinayaan ng gobyernong Aquino ang isyu na ito, walang duda, parusa ang aabutin ng bansa at taumbayan.
Babagsak sa impiyerno ang Pilipinas!
Sa ngalan ng PAMBANSANG INTERES, maaaring isabansa ang pagmamay-ari, operasyon at pangangalaga ng pamahalaan sa Meralco at power producers.
Ang Kongreso ay makatutulong nito. Kung gugustuhin ay kayang-kaya ngunit kuwestiyon din ang katapatan ng mga mambabatas na nasanay na sa PAYOLA.
Lamang, kaya bang buwagin ni Noynoy ang kartel ng industriyang enerhiya?
Kaya ba niyang banggain ang mga Aboitiz, Pangilinan lalo na ang mga Lopez at iba pang elitistang angkan na nagmamay-ari ng power producing plants? Alam naman natin na may lihim na relasyon ang mga Cojuanco-Aquino sa kanila lalo na sa mga Lopez.
May natitira pa kaya tayo na mga makabayan at mapaglingkod na mambabatas?
Kung wala na, may magagawa ba ang mamamayan para mapigilan ang patuloy na pagbabanta ng mga bumubuo ng enerhiya’t kuryente sa bansa?
Ngayon pa lang ay nagpaplano nang lumayas ang mga dayuhan at lokal na negosyante hindi lang dahil sa banta ng magkakasunod na blackout kapag hindi naisaayos ang dagdag-singil.
Yaong mga dayuhang kapitalista na nagbalak na rito mamuhunan ay umatras na. Kapag nag-alisan pa ang mga negosyante, saan kaya tayo pupulutin?
Hindi isang multo ang banta ng Meralco. Hindi ito biro dahil ang pinagkunan nila na power producers ay pawang mga power broker sa rehimen ni Aquino.
Nasa kasaysayan na ito ng bansa noon pa lang pag-upo ni Gng. Aquino. Lahat ng kapaboran ay ibinigay niya sa pamilyang Lopez, Aboitiz, etsetera.
Huwag na natin hintayin pa na magtagumpay ang mga hidhid na sangkot sa enerhiya. Huwag na natin hintayin pa ang melo-drama na ihahatid ng Korte Suprema tungkol sa power rate na nakakasa noon pa.
May maaasahan pa ba tayo na mga lider sa Kongreso ng Senado at Kamara? Sa Sandatahang Lakas at Pambansang Pulisya at mamamayan? Sa ngalan ng pambansang interes, mayroon ba?
The post ISABANSA ANG MERALCO, ET AL appeared first on Remate.
