SA pagkakaaresto sa 13 suspek ng iba’t ibang kaso ng krimen sa Lungsod Quezon ay hudyat na kaya ito ng giyera sa pagitan ng mga kriminal at ng pamunuan ng Quezon City Police District o QCPD?
Noong Enero 11, 2013 ay itinalagang QCPD director itong si Gen. Albano. Magmula noon ay magaganda at malalaki ang naging accomplishment ng QCPD dahil kaagad na nahuhuli ng kanyang mga tauhan ang mga bigtime criminal.
Ilang buwan ang nakalipas at dahil na rin sa sunod-sunod na accomplishment ng QCPD ay lumabas ang pinakaaasam-asam ni Gen. Albano, ang kanyang estrella.
Patuloy sa pangunguna sa pagsugpo ng iba’t ibang krimen ang heneral kaya medyo nag-lie low ang mga kriminal, at dahil hindi na nakikita itong si Gen. Albano, kasama ng ilang taga-media sa kalye ay muli na namang umatake ang mga kriminal, lalo na itong mga riding-in-tandem.
Halos araw-araw ay may krimeng nagaganap sa Quezon City na kinasasangkutan ng Motorcycle Riding in Criminals (MRC) kung kaya kumilos na si Gen. Albano at sinabihan ang kanyang mga station commander na matyagan at i-monitor ang galaw ng bawat motorsiklo na may nakasakay na dalawang tao.
Kahapon ay iniharap ni QCPD Director. Chief Supt. Richard Albano, sa isang press conference sa Kampo Karingal ang 4 na suspek sa robbery with carnapping, 2 robbery at 7 drug pusher.
Ang naarestong apat na suspek na sina Gonzalo Terado, 38; Noel Delosa, 34; Dennis Valdez, 29 at Alvin Ignacio, 33 ang umano’y lider ng grupong ICROG o Ignacio Carnapping Robbery Organized Group.
Ang pagkakaaresto raw ng grupong ito ay nagresulta sa pagkakalutas sa tatlo pang kaso ng robbery hold-up, kabilang na rito ang robbery sa UP noong Oktubre 16, 2013 kung saan ang biktima ay isang UP Faculty na si Perlita Frago Marasigan.
Ang apat na suspek ay naaresto makaraang pagnakawan ang driver at tangayin ang isang Land Cruiser na may plakang PQO-256 na pag-aari ni dating QC-3rd Dist. Congressman Matt Defensor.
Sinasabing ang driver ni Defensor na si Danilo Victoria ay nasa loob ng nasabing sasakyan habang hinihintay ang dating mambabatas nang ito ay lapitan ng 4 na suspek galing sa likuran na kaagad na sumakay at tinutukan ang driver na imaneho ang sasakyan patungong Brgy. Pansol.
Hindi alam ng apat na sila ay sinusundan ng mga operatiba ng mga tauhan ni Supt. Richard Fiesta, na nagresulta ng pagkakaaresto sa nasabing grupo na umano’y halos isang taon pa lang na nag-o-operate sa Metro Manila.
Nananawagan si Gen. Albano sa mga nabiktima ng nasabing grupo na magpunta sa Kampo Karingal para kilalanin ang bagitong grupo ngunit mapanganib.
Sabi nga nitong si Gen. Albano, mas matalino pa rin ang mga pulis kaysa mga kriminal.
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento, mag-text lang po sa 09087230036 o kaya ay mag-email lang sa … lpr_2012@yahoo.com
The post PULIS MAS MATALINO KAYSA KRIMINAL – GEN. ALBANO appeared first on Remate.