SA nakalipas na taon, ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay nagbayad ng humigit-kumulang P1.2 bilyon kada linggo sa ating mga ospital at propesyunal o humigit-kumulang P45.2 bilyon hanggang October 2013. Sa kabilang banda, ang nakolektang kontribusyon ng PhilHealth ay P44 bilyon (hanggang Oktubre 2013) kung saan maliwanag na higit pa ang ibinayad nila sa benepisyo kumpara sa kanilang natanggap na kontribusyon.
Ito ay hindi dahil sa kapabayaan sa koleksyon o pagwawaldas o pagnanakaw ng anomang halaga, bagkus ito ay dahil sa paglalim at paglawak ng protek-syong pinansiyal, gayundin ang patuloy na pagdami ng mga miyembrong binibigyan ng benepisyo.
Dahil sa “ALL CASE RATES” ng PHILHEALTH, mahigit sa 4,600 mga sakit at treatment procedures, 95% nito ay binabayaran ng higit sa P2,400. Samakatuwid, sa isang sakit lamang, na sana’y hindi maranasan ng sinoman sa atin, ay nasasagot na nang higit pa sa halagang ibinayad nila bilang annual premium.
Ilan lamang ang mga sumusunod sa mga lalong pinagbuting benepisyo na ipinatupad ng PhilHealth:
SAKIT O KARAMDAMAN HALAGA NG BENEPISYO
- Dengue Fever P10,000 hanggang P16,000
- Pneumonia P15,000 hanggang P32,000
- Kidney Transplant P600,000
- Coronary Artery Bypass Graft P550,000
- Tetralogy of the Fallot o Blue Baby Syndrome P320,000
- Childhood Leukemia P210,000
- Cervical Cancer P120,000
- Breast Cancer P100,000
- Prostate Cancer P100,000
- Lower Limb Prostheses P15,000
- Spontaneous Child Delivery P8,000
- Ceasarian Delivery P19,000
Dagdag pa rito ang pagpapalaganap ng PhilHealth ng kanilang “Primary Care Benefit Package” o TSEKAP (Tamang Serbisyong Kalusugang Pampamilya) sa sektor ng mahihirap, mga miyembro na nasa organized groups, land-based OFWs at mga kawani ng DepED.
The post PHILHEALTH, PATULOY ANG PAGLAWAK AT PAGBUTI NG MGA BENEPISYO appeared first on Remate.