NGAYON ko lang naiintindihan ang dahilan kung bakit hindi makausad at nananatiling mahirap ang ating bansa.
Maliban kasi sa mga corrupt at gahaman sa kapangyarihang mga politiko ay napakarami rin nating mga kababayan ang pasok sa kategorya ng tinatawag na mga “sala sa init, sala sa lamig.”
Kabilang dito ang mga grupo na wala nang ginawa kundi batikusin ang gobyerno sa anomang programa na inilalatag nito para sa pagbabago.
Halimbawa na lang sa usapin ng relokasyon ng mga informal settler na, sa kabila ng pagnanais ng gobyerno na ipatupad agad para na rin sa kaayusan at kaligtasan ng mga apektado, ay mahigpit namang nilalabanan ng mga grupong makamahirap daw.
Laging nauuwi sa kaguluhan at sakitan ang mga demolisyon dahil napapasok ang hanay ng mga beneficiary ng mga grupong tutol sa pagbabago at kaayusan.
Sa aking pananaw ay hindi naman masama kung ilipat ng gobyerno at bigyan ng mas maayos at ligtas na tirahan ang mahihirap nating mga kababayan.
At kamakailan ay nadagdag pa ang nakatakdang rehabilitasyon at paglilipat ng Fabella Hospital sa hanay ng napakaraming proyekto ng gobyerno na tinututulan ng mga grupong makamahirap daw.
Kamakailan kasi ay isang construction firm na ang nanalo sa bidding para sa rehabilitasyon ng nasabing ospital para gawin itong mas moderno, maayos at ligtas na paanakan ng mga nanay.
Alam naman nating lahat na hindi na sapat ang pasilidad at mga kagamitan ng kasalukuyang Fabella para pagsilbihan ang hindi bababa sa 500 nanay na nanganganak doon araw-araw.
Luma, marumi at madilim na kasi ito at talagang nangangailangan na ng pagsasaayos para naman mas magkaroon ng dignidad ang mga nanay.
Pero gaya ng inaasahan ay umani rin ng batikos mula sa iba’t ibang grupo, kabilang na ang Gabriela na nagsampa pa ng kaso para pigilan ang proyekto .
Sinasabi nilang maaari raw tumaas ang bayarin kung magiging moderno ang ospital bagama’t ipinangako na ni Health Secretary Enrique Ona na hindi mangyayari ang pangamba nila.
Hindi ko na idedetalye pa ang ilang argumento nila para tutulan ang proyekto, pero isa lang ang maliwanag: talagang walang pag-unlad sa bansa kung takot sa pagbabago ang mga tao.
* * *
Samantala, nais ko lang batiin ang ilang masisipag at mababait na mga guro at estudyante diyan sa Centro Escular University kabilang na sina Robin at Anika na nagdiriwang ng kanilang anniversary ngayon.
Mabuhay kayo!
The post MGA NANAY, BIGYANG DIGNIDAD appeared first on Remate.