KINUKUMPIRMA natin ang balita hindi lang sa social website, partikular ang Facebook, kung totoo na ipinag-utos daw ng mataas na opisyal ng Malacañang sa Pambansang Pulisya na namamahala sa kulungan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na bawal na sa sinomang bisita niya ang magpakuha ng litrato o photo-ops.
Maliban sa Facebook, may ilan din tayong kilala na supporters ni PGMA na ganundin ang sumbong sa Lily’s Files.
Kung totoo ito, aba, naku, nakatatakot naman ang utos na iyan kung sinoman ang may pakana niyan. Alam kaya ito ni Pangulong Bengino Aquino III? O siya mismo ang nag-utos?
Sabi tuloy ng ilang opisyal ng simbahan, hindi na lang pinarurusahan ng rehimen ni Pang. Noynoy ang kanyang dating titser kundi lantarang pinahihirapan na o tino-TORTURE!
Hindi ako kailanman pro-GMA at naniniwala ako sa katarungan at kung totoo man ang mga bintang sa kanya na mga kaso ay dinggin sana ito nang tama sa Hukuman.
At kung sakaling mapatunayan at may malakas na ebidensiya ang estado, sige, parusahan siya batay sa dapat na pagdusahan pero kung wala naman, dapat ay palayain din.
Ano ang nangyayari sa Malacañang? Komo ba magkakasunod ang mga personalidad na dumalaw sa dating Pangulo at may kasunod sila na panawagan na pansamantalang palayain para makapagpagamot, eh, kinakabog na sila?
Lumalabas tuloy na iyan ang nararamdaman ng taumbayan. Sabi nga nila, kinakarma na ang mga taga-Malacañang. May nagsasabi na binabangungot na sila at iba naman ay natatakot na sa ginawa nilang multo.
Kung sabagay, dinalaw na si Gloria nina dating Pangulong FVR, ERAP, dating First Lady at Ilocos Congressman Imelda Marcos, dating Vice President Noli de Castro, mga pari, obispo at arsobispo at marami pang personalidad mula sa pribado at dating mga opisyal ng gobyerno.
Lahat sila ay nanawagan kay Pangulong Aquino na payagang makauwi si GMA o payagan na makapagpagmot sa ibang bansa kung kinakailangan, pero ang lahat ng suhestiyon ay tila balewala man lang kay Noynoy.
Gusto lang po nating ipaalala sa ating mahal na Pangulo ang tungkol sa kanyang ama na si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr., nang siya ay magkasakit sa kulungan noon sa ilalim ng rehimeng diktadurya ni Ferdinand Marcos.
Ganyan din ang nangyari kay dating Pang. ERAP, sila ay pinayagan na magpagamot sa ibang bansa. Ang pagkakaiba nga lang ay hindi bumalik si Ninoy at sa halip ay namuno ito ng mga grupong kontra Marcos, samantalang si ERAP naman ay bumalik ng Pilipinas.
Sana ay mali tayo pero ramdam natin ang takot ng Malacanang o Pangulong Noynoy mismo na baka gayahin ni Glroia si Ninoy na kapag nakalabas ng bansaay magtatatag din ito ng kilusan kontra NOYNOY, bagsak! -Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suggestions at kumento, mag text lang po sa 0908-7230036.
The post PHOTO-OPS WITH PGMA BAWAL NA RAW? appeared first on Remate.