PAPATAYIN kaya ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang limang tauhan ng “Treasurer’s Office” na nagnakaw umano ng mahigit P14M sa kaban ng naturang lungsod? Ito Ang Totoo: napatunayan umano ng komiteng nag-imbestiga na pinamunuan mismo ni Duterte na “guilty” sina Jane M. Paguidopon, Rosalie B. Remon, Brenda R. Nirza, Analiza S. Mesa at Justen B. Almonte.
Titigbakin umano sa trabaho ang lima at may iniimbestigahang tatlong iba pa.
Binuo ang komite para mag-imbestiga matapos ireklamo mismo ni City Treasurer Rodrigo Riola na may nawawala umanong P14,325,384.87 na kita dapat ng lungsod mula Enero hanggang Hunyo ng 2013.
Wala pala itong si Duterte, eh… nanakawan siya sa ilalim ng tungki ng ilong niya? Talaga lang, ha? Baka naman napag-utusan lang ang lima na ngayon ay dinidikdik dahil nagkabistuhan na?
Makailang ulit na nagpahayag si Duterte, pati sa Senado na papatayin niya ang suspected rice smuggler na si David Bangayan, habang nangaka-ngisi lang at natutuwa pa ang mga aanga-angang senador tulad nina Cynthia Villar at Jinggoy Estrada.
Tanging si Justice Secretary Leila de Lima at Human Rights Com-missioner Loretta Ann Rosales ang sa kasalukuyang pumapalag at nagsasalita laban sa kulubot na utak ni Duterte, ang “self-annointed accuser, judge and executioner.”
Ito Ang Totoo: sa kawalan ng aksiyon o reaksiyon nila, lumalabas kung gaano kainutil ang mga senador, tulad ng mga opisyal ng samahan ng mga abogado, judge at “prosecutors” na dapat nangunguna sa pagsusulong ng “rule of law” o tamang proseso ng batas. Ano rin ang ginagawa ng mga relihiyong nangangaral ukol sa kabutihang asal? Wala!
Akala tuloy ng marami, kasama na ang mga bata na nakapanood ng TV, nakapakinig sa radyo at nakababasa sa diaryo nang walang pakundangang paglapastangan sa batas ni Duterte, na tama ang pagmamayabang nito na papatay siya ng tao.
Balik tayo sa tanong: papatayin din kaya ni Mayor Rodrigo Duterte ang limang tauhan ng “Treasurer’s Office” na pinagbibintangang nagtangay ng mahigit P14M na pera ng lungsod?
Tingnan natin. Ito Ang Totoo!
The post MASAMANG HALIMBAWA SI MAYOR DUTERTE appeared first on Remate.