GUSTO ba nating mawala talaga ang mga rice smuggler? Kung seryoso ang gobyerno rito, hindi lang dapat na patubigan ang lahat ng ating mga palayan kundi palawakin pa ang mga palayan mismo.
Ito’y para magkaroon tayo ng sinasabi ng mga korap na “rice self sufficiency” kung saan hindi na tayo kailangan na mag-angkat pa ng bigas na sinasakyan ng mga rice smuggler, kasabwat ng mga korap.
IRIGASYON SA 3.M EKTARYA
Kahapon, sinabi natin na may nasa 3. milyong ektarya ang palayan sa mahal kong Pinas, pero nasa 1.7M lang ang may irigasyon.
Kakaunti na nga lang ang may patubig, sira pa ang irigasyon para sa 500,000 ektarya. Sa ganitong kalagayan, ano ang maaasahan natin sa pagkakaroon ng sapat na ani?
Eh, nasa 100 milyon na ang Pinoy na umuubos sa maliit nating produksyon na bigas at dumarami pa tayo taon-taon ng 2M.
Ang masama pa, sa mga ulat ng National Irrigation Administration, tila ‘di prayoridad ng gobyerno ang paggawa ng sapat ng irigasyon sa lahat ng palayan.
KARANASAN SA THAILAND
Nasa 20 taon nang nagluluwas ng bigas ang Thailand makaraang mag-aral sa ating University of the Philippines Los Baños-International Rice Research Institute ang kanilang mga iskolar sa agrikultura. Dito sa UPLB-IRRI nila napag-aralan ang mga miracle rice at iba pang uri ng palay na sinimulang palaguin noon ni Apo Ferdie Marcos.
Dahil sa tiyak na kita at pag-unlad ng mga magsasaka sa Thailand, lalong pinalaki ng bansang ito ang lawak ng kanilang palayan.
Mula sa 7 milyong ektarya 10 taon na ang nakararaan, pinalawak pa ito sa mahigit 11M ektarya.
KARANASAN SA VIETNAM
Mayroon lang nasa apat na ektaryang palayan ang Vietnam makaraang danasin nila ang Vietnam war noong 1975. Dahil sa hirap sa buhay mula sa madugo at matagal na digmaan, pinagsama-sama nila sa diwa ng commune ang lahat ng mga magsasaka para sa produksyon ng palay at nagtagumpay sila.
Lalong naging masipag ang mga magsasaka sa pagpapalay nang bigyan na sila ng insentibo o pabuyang indibiduwal. Pero hindi katulad ng pabuya ng Palasyo sa mga kongresman at senador sa impeachment ni ex-Chief Justice Renato Corona, ha!
Habang nagtatagal, pinalawak nila nang pinalawak ang kanilang mga palayan hanggang sa umabot ito sa mahigit na 7M ektarya.
MGA EXPORTER
Bunga ng kanilang tagumpay sa pagsasaka, ang Thailand ang naging pinakamalaking exporter ng bigas at sumesegunda rito ang Vietnam. Sumunod dito ang mga bansang Tsina at India.
Sa produksyon ng bigas umaasa ng pinakamalaking kita ang mga gobyernong Thailand at Vietnam sa buwis at kita sa pagbenta. At nakararami sa mga populasyon ng mga bansang ito ang nabubuhay sa pagpapalay dahil mayroon palang buhay sa pagsasaka.
GOBYERNO KUMIKILOS
Protektado ng mga gobyerno ng Thailand at Vietnam at bumubuhos ang tulong ng mga ito sa kanilang mga magsasaka.
Mula sa pagpapalawak ng mga sakahan hanggang sa pagtatanim ng mga mabubuting palay, abono, pestisidyo, gastos sa produksyon, makabagong pagsasaka, kalsada at pagbebenta sa loob at labas ng kanilang mga bansa.
Dahil sa labis nilang produksyon sa bigas, mura ang kanilang pagkaing bigas at sinasabing hindi katulad ng mga Thai at Vietnamese ang mga Pinoy na nakararami ang mga nagugutom, masasakitin at mahihirap dahil sa kakula-ngan ng bigas at palayan.
KARANASAN SA PINAS
Anak ng tokwa, kabaligtaran ang nagaganap sa Pilipinas kong mahal.
Noong 1970’s, nasa 12 milyong ektarya ang palayan-gulayan na nakakalat sa 7,100 isla nito.
Ngayon, nasa 3.1M ektarya na lang ang natitirang palayan. Napakaliit na nga ang palayan, nagkakandaletse-letse pa ang irrigation system natin.
Sa mga bansang Thailand at Vietnam, halos 100 porsyento ang may patubig. Tanging ang mga nasa bulubunduking lugar nila ang umaasa sa ulan at mga bagyo para sa patubig.
PALAYAN NILALAMON
Very obvious o kitang-kita, mga Bro, ang dahilan ng pagkaubos ng mga palayan natin.
Sa sipag at bilis ba naman ng Department of Agrarian Reform at Department of Natural Resources na mag-isyu ng permit para sa kumbersyon ng palayan tungo sa residential, komersyal at industriyal, ano ang mangyayari?
Pinalalamon sa mga negosyante ang mga palayan kapalit ng malalaking halaga. At kapag kinuwestiyon naman ang mga land conversion sa mga hukuman, talo ang mga magsasaka sa korap ding sistema sa hukuman.
LUGI KAYA NAGBEBENTA
Dahil sa kawalan ng suporta ng pamahalaan sa kanila, hindi mabilang sa daliri ang mga magsasakang nagbebenta ng kanilang mga palayan para ma-convert bilang subdibisyon, komersyal at industriyal.
Sino nga naman ang magtatagal na magsasaka sa problema sa labis na kakulangan sa irigasyon at sa generator na lumalamon ng napakamahal na petrolyo at umaasa ng patubig, ha?
Mayroon namang mga subsidyo sa abono pero kinokorap din ito gaya ng nangyari sa P720 milyong abono iskam.
SMUGGLER MAGLALAHO
Kung maganda lang sana ang pagtrato ng pamahalaan sa ating mga magsasaka, kabilang na ang pagpapalago ng mga palayan, tiyak na walang magiging smuggler ng bigas.
Maliwanag pa ito sa sikat ng araw!
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.
The post SAGOT SA SMUGGLING: PALAWAKIN ANG PALAYAN appeared first on Remate.