KUNG problema natin ngayon ang napakamahal na kuryente, lalo tayong mamroblema sa mga darating na araw dahil sa kuryente.
Mangyayari ito dahil sa napakabilis na pag-init ng kapaligiran na nangangailangan ng pag-andar ng lahat ng ating mga pampalamig na gamit. Tiyak na aandar ang mga electric fan, aircondition at iba pang gamit na pampalamig gamit ang kuryente.
Pagpunta natin sa mga distributor para magbayad, Meralco man o kooperatiba, magugulat na lang tayo kung gaano kalaki ang babayaran natin.
TURUAN SA MAYSALA
Nitong pinakahuling pagdinig ng Supreme Court sa petisyon o kahilingan para sa pagpapalawig ng Temporary Restraining Order at pagbabawal sa mga distributor at planta na magtaas ng singil sa kuryente, inginuso ng Department of Energy ang PSALM o Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. na may sala sa pagtaas ng presyo ng kuryente.
Sabi ng DOE, kung pinaandar lamang sana ng PSALM ang Malaya Plant na pag-aari ng gobyerno, sana’y hindi tumaas nang husto ang halaga ng kuryente.
May ulat ding hindi na nga umandar at lumikha ng kuryente ang Malaya Plant, nag-alok pa ito ng kuryente at presyo na naging dahilan ng kaguluhan sa pagpepresyo sa kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market.
Kaya naman, imbes na magiging katamtaman ang presyo ng kuryente sa WESM dahil itinuturing itong bagsakan ng kuryente, mismong dito nabili nang mahal ang kuryente ng mga distributor.
SABWATAN
Bukod sa kahilingan para sa pagpapalawig sa TRO laban sa mahal na kuryente at pagtigil ng paniningil ng mga distributor at planta ng mahal na elektrisidad, pinaiimbestigahan din sa hukuman ng ilang organisasyon ang posibleng sabwatan ng mga distributor at planta para magmahal ang elektrisidad.
Mantakin ninyo, nagsara ang Malampaya Plant para sa pagkukumpuni ng mga makinarya nito pero sumabay nang walang abiso sa pagsasara ang ibang mga planta.
Dito nagduda ang mga organisasyon sa layunin ng mga distributor at planta at walang ibang interes umano ang mga ito kundi pataasin ang presyo ng kuryente.
KAILAN ANG DESISYON?
Siguro, ilang pagdinig pa ng Hukuman ukol sa mahal na kuryente at sabwatan, mag-aantay na tayo ng desisyon ukol dito.
Sana naman, hindi sasang-ayon ang Hukuman sa napakamahal na bayad sa kuryente na gustong singilin, lalo na ng mga planta.
At sana naman, magkatotoo ang bintang na nagsabwatan ang mga planta ukol sa kanilang pagtigil sa paglikha ng kuryente para kunwari magkaroon ng krisis sa suplay na dahilan ng pagmamahal nito.
Sobra-sobra na ang pamimerhuwisyo sa bayan ng mga kompanya ng kuryente at dapat na matigil na ito.
Akalain ba nating ginagamit pa ng mga kompanya ng kuryente ang batas dito para maging mahal ang kuryente sa halip na magiging abot-kaya at may matatag na suplay!
NAGSASARA, UMIIWAS
Pag-aralan ninyo, mga Bro, ang kilos ng mga pagawaan na pangunahing nabubuhay sa kuryente kaysa sa pawis ng mga obrero.
‘Yun bang === puro makinarya ang umaandar para sa paggawa ng produkto at kakaunti lamang ang kinakailangan nilang obrero. Malaking konsumo sa kuryente ang ibig sabihin niyan para sa kanila.
Dahil sa napakamahal na kuryente rito sa mahal kong Pinas, marami sa mga kompanyang nabanggit ang ayaw magpatayo rito sa atin.
Paano, wala silang kikitain at malulugi pa at ang tanging palalamunin nila ay ang mga kompanya ng kuryente. Kahit magtanong pa kayo sa mga negosyante, ito ang malaking dahilan kaya sila hindi pumapasok sa Pinas.
MAY TONGPATS PA
Bukod sa kuryente na mahal, napakarami pang humihingi nang puwersahan na tongpats.
‘Yun bang === walang maitatayo na negosyo sa bansa nang walang halong korapsyon.
Halimbawa, bago mabigyan ng prangkisa o permit o clearance ang isang negosyo, kailangang maglabas ng suhol ang mga kompanya para maaprubahan ang kanilang mga nasabing papeles.
Kapag nakapagtayo na sila ng pabrika at mag deliber na sila ng kanilang mga produkto palabas at sa loob ng Pinas, hindi rin sila makaliligtas sa mga baboy sa daan.
Nakupo, katakot-takot ang mga nagpapara ng mga sasakyan para lang mamuwersa para sa tongpats. Kapag nagbigay ka sa iba, aasahan mo na ang paglitaw ng ibang mga animal na halimaw sa kalsada na gusto ring manghingi ng tongpats.
Wala ka ngang kikitain sa kuryente, mabubutas pa ang iyong bulsa sa mga tongpatero.
NAG-AALISAN
Ilan na bang kompanya ang nagsara at lumipat sa ibang mga bansa dahil sa mahal na kuryente at korapsyon sa mahal kong Pinas?
Tayo ay may alam at kilala sa mga ito. Kayo, mga Bro, ano ang mga kompanyang nagsara at lumayas dahil sa mahal na kuryente at korapsyon?
Ang masaklap, daan-daan o libo-libong obrero ang nawawalan ng trabaho at maging ang mga hanapbuhay na konektado sa mga kompanya ay tumitigil din.
MATUTONG LUMABAN
May aral tayo sa laban sa SC at sa karanasan sa mga korap sa mga ahensya ng gobyerno at sa lansangan.
Marahil ay hindi tayo dapat na manood lang sa mga laban na ito kundi lumahok din dito. Ang lahat ng panloloko sa mamamayan ay tiyak na titigil kung matututong umalma ang lahat.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.
The post KURYENTENG NAPAKAMAHAL AT TONGPATS SA NEGOSYANTE appeared first on Remate.
