TANGING maliliit lang ang puwedeng isakripisyo ng pamahalaan sa usaping pangkalahatan kung saan nakasalalay ang interest ng bansa tulad ng pangyayari sa Luneta Siege noong 2010.
Ano ba talaga ang direktiba ni Pangulong Benigno Aquino III kay Justice Secretary Leila de Lima kaugnay sa imbestigasyon ng pangyayari?
Ipinagmalaki pa noon ng administrasyon ni Pangulong Aquino na walang whitewash na mangyayari at mananagot ang talagang may kasalanan sa pangyayari.
Batid ng lahat na nagkaroon ng kapabayaan subalit hindi maamin ng gobyerno ito kaya isinisisi pa rin sa hostage taker. Hindi lang sa parte ng pulis at lokal na pamahalaan nagkaroon ng kapabayaan kundi mas higit sa nasyonal.
Si dating Manila Mayor Alfredo Lim ang humawak ng sitwasyon at siya ang tumayong ground commander sa halip na ang noo’y director ng Manila Police na District na si Chief Supt. Rodolfo Magtibay kaya lalong naburyo ang hostage taker na dahilan ng bulilyaso.
Matapos ang pangyayari, sinampahan ng kaso sa National Police Commission (NAPOLCOM) sina Magtibay, Supt. Orlando Yebra, ang tumayong negosyador, at Chief Insp. Santiago Pascual III, noo’y hepe ng MPD-SWAT. Nawala sa kaso ang mga tao ni Lim na kuntodo porma sa rescue (kuno) sa hostages.
At awa ng Diyos, utos ni Pangulong Noynoy at kawalanghiyaan ng Napolpol, este, NAPOLCOM pala, na pinahan si Gen. Magtibay na pinatawan ng anim na buwang suspension bagaman siya ay retirado na.
Isinakripisyo si Pascual na tinumbok ng Napolpol, NAPOLCOM pala, sapagkat demotion ang ipinataw na parusa. Asan na ang pangako ni Lim na tulong sa mga pulis na kinasuhan? Puro dakdak ang ibinigay ni Lim. Hindi na nga natulungan sa aspetong pinansyal kahit abogado ay wala rin siyang ibinigay para idepensa ang mga kawawang pulis na isinakripisyo ng administrasyong Aquino.
At ngayon, upang masabi lang ng pamahalaan ni PNoy sa Hong Kong government na may naparusahan dahil sa kapabayaan, isinakripisyo ang career ng isang opisyal gayong ang totoong may sala sa kapalpakan ay tahimik na ang buhay dahil natalo sa pulitika at ang opisyal nitong laging nakasunod sa kanya ay nananahimik pansamantala sa Camp Crame.
Akala kasi ng Aquino government ay tanga ang mga taga-Hong Kong para maniwala sa kanilang moro-morong imbestigasyon. Neknek n’yo.
Parang sa negosyo rin lang ang ginagawa ni PNoy. Umaasenso ang mayayaman at lalong naghihirap ang dukha dahil pinababayaan ng pamahalaan. Pero pilit nilang ipinagyayabang ang paglago ng ekonomiya ng bansa na hindi naman nararamdaman ng maliliit sapagkat patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo habang hindi naman lumalaki ang kita ng mga empleyado.
The post MALILIIT ANG NASASAKRIPISYO appeared first on Remate.
