NOONG tumakbo bilang Pangulo si PNoy, marami sa ating mga kababayan ang sumuporta sa kanya dahil sa maling akala. At pagkatapos ng apat na taon na kanyang pinangangasiwaan ang bansa, paurong at hindi pasulong ang uri ng pamumuhay ng ating mga mamamayan.
Sabi noon ni PNoy, ‘pag walang korap, walang mahirap. Ngunit habang naglalaon ay lalong dumarami ang ating mga kababayan ang naghihikahos at walang makitang trabaho.
Kung ating susundan ang prinsipyong ipinangangalandakan ng ating Pangulo, ibig bang sabihin nito na lalong dumami ang korap sa ilalim ng kanyang pamumuno? Dumami ang mahirap, ergo, dumami rin ang korap.
Ganoon ba, sir?
Marami rin sa atin ang akala noon ay itataguyod ni PNoy ang karapatan ng ating mga kababayan na naninindigan upang magkaroon ng karapatan na mag-armas para maipagtanggol ang kanilang sarili laban sa mga kriminal. Alam kasi nila na isang shooter at gun enthusiast si PNoy kaya’t marami ang natuwa, kasama na ang inyong lingkod, noong manalo ito.
Subalit sa halip na itaguyod ang kanilang karapatan ay lalo pang kinitilan nito ang ating mga kababayang ligal na nagmamay-ari ng baril kaya’t piyesta araw-araw ngayon ang mga kriminal. Alam kasi nila na sa ilalim ni PNoy ay walang kalaban-laban ang ating mga mamamayan.
Bilang anak ng ating kinikilalang martir na si Ninoy at dating Pangulong Cory Aquino na siyang kinikilalang ina ng ating demokrasya, marami ang naniwala noon kay PNoy na itataguyod nito ang mas malayang pamamahayag. Marami ang umaasam noon na maisasabatas na rin ang Freedom of Information (FOI) law.
Ngunit sa halip na isulong ang FOI ay pinaikot-ikot lang tayo ni PNoy. Ni pakitang-tao ay wala tayong nakita sa kanyang pagsuporta sa FOI samantalang isa siya noon na kritiko ni Pang. Gloria Arroyo dahil sa kabiguan nitong maisabatas ito. Sa halip na isulong ang agarang pagsasabatas ng FOI ay nauna pang maisabatas ang anti-cybercrime law at ngayo’y nasasagkaan na rin ang malayang pamamahayag sa internet.
Dalawang taon pa tayong magtitiis sa ilalim ni PNoy at sana nga lang, sa loob ng panahong ito, ay magising siya sa katotohanan na wala pa rin siyang nagagawang mabuti para sa bayan at para sa kanyang mga pinaasang mamamayan.
Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com.
The post MALING AKALA appeared first on Remate.