KUNG ating susuriing mabuti ay parang nagmamadali ngayon ang halos lahat ng ahensiya ng gobyerno para makagawa ng project, lalo na sa Kalakhang Maynila. Nangunguna rito ang Department of Transportation and Communications (DOTC), kaayuda ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA).
Sabi ng mga taga-Malacañang, utos daw kasi ng “BOSS” nila, si Pangulong Aquino na pikon na pikon na raw dahil patapos na ang kanyang termino ay wala pa raw nagagawa ang kanyang mga opisyal-de-tango. Sabagay, alam kasi ng Pangulo na patapos na ang kanyang termino at nag-aalala ito na wala man lang siyang maipagmamalaki na pamana sa bayan kundi ang hokus-pokus na pagkaka-impeach kay Chief Justice Renato Corona.
Sa cabinet meeting daw ay halatang-halata ang galit at pagkapikon ni Noynoy sa kanyang mga tauhan, kaya agad itong nag-utos sa kanyang mga tauhan na gawin ang lahat ng magagawa para matapos ang lahat ng proyekto, lalo na sa imprastraktura. Kaya hayan, maghanda-handa na tayo dahil halos isang dosenang infra project ang sabay-sabay na kinakana ngayon at isa na rito ang Skyway 3 na magsisimula sa Maynila at Makati City na dudugtong sa Balintawak–North Luzon Expressway.
Ang tanong, may matatapos kaya sila sa loob ng napakaikling panahon? Ay naku, Pangulong Aquino, bakit ngayon mo lang ito pinasimulan kung kailan paalis ka na? Alam naman natin na ang mga kontraktor dito ay mga piko, pala at bareta lang ang gamit sa paghuhukay. ‘Yun bang sadyang pinatatagal ang trabaho para lalo pang lumaki ang kikitain nila, isama mo pa ang katotohanan, ang trabahong tamad ng mga opisyal at manggagawa ng gobyerno. Masakit pero aminin na po natin ang katotohanan, hindi po ba?
Tulad din nitong naglalabasan muli na balita tungkol sa DOTC awarding of contracts ng mga kailangang bagon ng MRT at LRT, kung saan ay pumutok na ang isyung ito noon mula sa Inekon Corporation ng Czeckoslovakia na kesyo humingi raw ng advance payment o “lagay” na nagkakahalaga ng US$30 million ang ilang opisyal ng pamahalaan.
Ito pang LTO na nasa ilalim ng DOTC, nagmamadali ring magpalabas ng plaka ng mga sasakyan gayong halos 2 taon nang walang ibinibigay na plaka ang ahensya para sa mga bagong sasakyan. Gayundin ang LTFRB na napaka-inutil sa pagbibigay ng prangkisa sa mga Public Utility Transportation. At nitong huli, kapag nasasangkot sa isang aksidente ang bus ay mismong LTFRB pa ang naninisi sa mga bus operator dahil sa kawalan daw ng prangkisa.
Okey lang na magmadali ang gobyerno sa projects nila, pero sana nga lang ay huwag nilang itataya ang kalidad ng proyekto para maiwasan ang disgrasya.
The post HABULAN LANG…. appeared first on Remate.