KINANYON ng tubig ng Chinese Coast Guard ang mga mangingisdang Filipino sa dako ng Panatag Shoal (Scarborough Shoal) noong ika-27ng Enero 2014. Mismong si Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) General Emmanuel Bautista ang naghayag nito sa pagtitipong balitaan ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP).Muli, ang pangyayaring ito ay umani ng samo’t saring reaksyon at panukala. Naghihinanakit ang mga kababayan nating mangingisda; bakit daw hindi sila pinoproteksyonan ng ating Coast Guard? Isa na naman daw itong paglabag sa ating karapatan bilang isang bansa. Ito raw ay pag-atake sa ating mga maliliit na mamamayan. Dapat daw ay kasuhan natin ang mga kapitan ng barko ng Coast Guard ng Tsina sa paglabag sa basikong karapatan pantao at responsibilidad nilang sumagip ng buhay o tumulong sa mga nasasakuna. Sapagkat sa halip na gawin ang kanilang tungkulin, sila mismo ang lumabag dito.
Subalit sa dakong huli, ano lang ba ang mga pamamaraang puwede nating gawin tungo sa “mahinahong pagresolba” sa mga pag-abusong ito?
Muli, ang diplomatikong pamamaraan gaya ng protesta.
Sa huling kaso ng pambobomba ng tubig, at gaya ng inaasahan, hindi tinanggap ng Tsina ang protesta.
Ayon sa kanila, sa kanila ang Panatag Shoal – kahit pa nasa 351 nautical miles ito buhat sa pinakamalapit nilang isla (Hainan Island) at 119 nautical miles lang mula sa baybayin ng Zambales. Ito’y dahil hindi kinikilala ng Tsina ang nakasaad sa UNCLOS kahit pa isa ito sa mga bansang pumirma ng pagsang-ayon dito. Nakasaad sa UNCLOS na pasok sa 200 nautical miles Exclusive Economic Zone ng Pilipinas ang Panatag Shoal. Katunayan, tinatawag din iyon na Bajo de Masinloc dahil ito nga’y nasa ibabang dako lang ng Masinloc, Zambales.
Hindi ito bagay na dapat ipagkibit–balikat lang o isyung dapat pagsawaan natin sa pagsasabing, “Wala naman tayong magagawa laban sa malakas na bansa gaya ng Tsina.” Manapa’y tipunin natin ang mga ebidensya ng mga pang-aabuso gaya ng mga video, larawan o sinumpaang salaysay ng mga saksi sa paglabag sa batas pangkalikasan, at sa pagtapak sa ating mga karapatan bilang bansa na isinasaad sa UNCLOS. Meron pa ang Pilipinas hanggang Marso 30, 2014 upang isumite ang ating “memorial.”
Ang memorial ay isang dokumentong ligal na isusumite ng Pilipinas sa International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS). Maglalaman ito ng mga argumento na suportado ng mga ebidensya at mga dokumento ng susog sa ating maritime claims sa West Philippine Sea (WPS) at ang mga paglabag ng Tsina sa mga itinatadhana sa UNCLOS. Ang mga mamamayan nating nakaranas o nakasaksi ng mga ito ay kailangan lang na makipag-ugnayan sa gobyerno upang maisama ang kanilang mga nalalalaman. Maaari silang magtungo sa pinakamalapit na tanggapan ng pamahalaan gaya ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard, o ibang ahensya gaya halimbawa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Huwag sana nating sayangin ang pambihirang pagkakataong ito kung saan maitataguyod at maipaglalaban natin ang karapatan ng ating mga maliliiit na mangingisdang napagkakaitan ng kabuhayan, o ang pagkasira ng ating mga yamang dagat, o ang titulo sa mga teritoryong sadyang atin. Huwag nating palampasin! Makialam tayo rito sapagkat lahat tayo, apektado.
Nasa tamang direksyon ang Pilipinas, ayon sa Amerika, sa pagsasampa ng kaso sa ITLOS laban sa Tsina. Ilang beses nang gumawa ng mga hakbangin ang huli upang pigilan ang Pilipinas sa pagsasampa ng kaso. Ang “pinakahuli at desperadong hakbang ng Tsina”, ayon sa Rappler, ay ang mungkahi nitong kapwa paglisan ng mga barko (ng Tsina at Pilipinas daw) mula sa pinag-aagawang Panatag Shoal kapalit ng hindi na pagsusumite ng Pilipinas ng memorial.
Ang offer na ito at ang patuloy na pagtanggi ng Tsina na lumahok sa proseso sa ITLOS ay malinaw na indikasyon na alam nilang “may tulog” sila sa kaso. Hindi na tayo dapat mapaniwala ng panlilinlang na ito. Ganito rin ang taktikang ginamit sa atin noong 2012 sa stand-off sa Scarbourough—usapang kapwa magpull-out ang mga barko, subalit tanging Pilipinas lamang ang tumupad. At simula noon, sinakop na nila ang Panatag Shoal.
Bahagi ng mga hakbangin ng Pilipinas tungo sa tamang direksyon ay ang pakikipag-usap ng Pilipinas sa Malaysia. Sa huling pagbisita ng Pangulo Benigno Aquino III doon, napag-usapan nila ng Hari ang pag-aalyansa ng mga bansang may kaparehong sitwasyon sa Pilipinas sa usapin sa South China Sea. Ang bansang gaya ng Hapon ay nauna nang nagpahayag ng kagustuhang makipagtulungan sa Pilipinas laban sa mga nakababahalang ikinikilos ng Tsina.
Tamang hakbang, sa aking pananaw, sapagkat hindi natin maaasahan ang Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) na kumilos bilang isang organisasyon dahil miyembro rin dito ang mga bansang kaalyado o “impluwensyado” ng Tsina at hindi boboto laban sa huli.
At higit sa lahat, himukin natin ang kongresista sa ating mga distrito. Huwag isuko ang paglalaan ng pondo para sa pagpapatuloy ng mo-dernisasyon ng ating Philippine Navy at Philippine Air Force na may pangunahing mandato sa Territorial Defense Operations o pagtatanggol ng ating teritoryong tubig at himpapawid (maritime and air domains).
Ang aral na ating mapupulot sa isa-isang pagkawala ng mga islang dati’y atin: Hindi maaaring angkinin ng isang bansa ang teritoryo na walang tao at doo’y nakatuntong o nakabase o hindi nito kayang ipagtanggol. At hindi maipagtatanggol ang mga pag-aari sa paraang lalabis sa natatanging kakayahan ng sandatahang lakas nito.
(sumulat sa edarevalo90@yahoo.com or mag-tweet sa atty_edarevalo)
The post ANG MGA BUMBERONG COASTGUARD NG TSINA appeared first on Remate.
