HALOS lahat ng mga sangkot sa mga karumal-dumal na nakawan sa gobyerno ay gustong makulong sa mga mamahaling hospital.
Ang mga sangkot sa krimeng pinaghihinalaang kagagawan ng mga mahihirap ay nabubulok sa city jail at pinababayaang maratay sa kama ng karamdaman nang walang mga sariling manggagamot.
Katulad nina Gloria Macapagal Arroyo at Janet Napoles. At noong panahon ni Ate Glo, si Jocjoc Bolante at isang presidential adviser na isinugod sa gobyernong mamahaling hospital para makaiwas sa imbestigasyon ng Senado.
Kamakailan ay nahuli si Delfin Lee na pinagbibintangang nagnakaw ng bilyon-bilyong pera ng Pag-IBIG gamit ang mga pekeng Pag-IBIG borrower.
Gusto ngayon ng abogado ni Lee na ikulong siya sa isang sikat na hospital dahil siya raw ay may sakit.
Kay sakit namang kaganapan ito. Kay raming presong may sakit. Bakit kaya hindi sila dalhin din sa hospital, malayo sa mabaho at malamok na mga selda ng mga city jail natin?
Okay talaga kung ang ikukulong ay mayaman. Sa ospital, may sariling kuwarto sa Veterans Memorial Hospital. May sariling guwardiya, may sariling nurse at may sariling doktor. Konting utot lang, datingan na agad ang mga doktor.
Sa ospital, may aircon ang mga suspek. May sariling rest room (comfort room ang tawag para sa mga mahihirap). May sariling shower. May sariling lamesa at may sariling upuan.
Siguro ay inggit na inggit si Napoles. Totoo ngang may sariling bahay si Napoles sa kampo ng mga pulis sa Sta. Rosa, Laguna, pero wala naman siyang aircon.
Si Ate Glo ay puwedeng maglakad-lakad sa compound ng Veterans Memorial para mag-exercise nang mapayapang walang kasamang mga may sakit o ‘di kaya ay sala.
Si ginoong Lee naman ay gusto ring ma-confine sa isang hospital, sa St. Luke’s daw dahil balita ko ay super na major ang aircon diyan.
O katarungan, nasaan ang hustisya?
The post HUSTISYA: BULAG O NAGBUBULAG-BULAGAN appeared first on Remate.