PUTOK na putok na si Manny V. Pangilinan ang kukuning ka-tandem ni VP Jojo Binay sa 2016 presidential election.
Ito ang 90 porsiyentong tiniyak ng ating source sa kampo ni Binay dahil sarado na raw ang deal o usapan ng dalawa kaya’t sure na ang Binay-MVP sa 2016.
Malinaw na rin ngayon sa mga pahapyaw ni Binay sa kanyang mga pahayag na isang ekonomista ang kanyang kukuning bise presidente at dito lalong nakumpirma na si Pangilinan na ng TV5, Meralco at iba pa ang kanyang makakasamang sumabak sa darating na pampanguluhang halalan sa 2016.
Buo na rin daw ang plano ng dalawa sa 2016 kaya’t ngayong kalahatian ng 2014 ay magsisimula na silang palakasin ang kanilang bagong partido na tatapat sa Liberal Party ni Mar Roxas, PMP ni Erap Estrada at Nacionalista Party nina Senador Alan Cayetano at Bongbong Marcos.
Nakabalangkas na raw ang lahat ng taktika na gagawin ng tambalang Binay-Pangilinan at implementasyon na rin lang daw ang kailangan upang masigurong parehas silang magwawagi sa 2016.
Ngayon pa lang kaaga ay patuloy na ang recruitment ng Team Binay-MVP na tiyak na magpapalakas sa bubuin nilang partido na ihahayag sa Hunyo.
Ganyan kaagap itong si Binay at MVP dahil parehas itong bihasa sa kanilang larangan na matagal-tagal din naman nilang pinag-aralan at pinagharian.
o0o
DAMI pang kiyeme nitong si Senador Alan Cayetano.
Inamin nitong interesado siyang maging pangulo ng bansa pero hindi niya raw alam kung kailan.
Alam ng mga politiko sa bansa na nag-iikot at naghahanda na rin si Cayetano sa 2016 kaya marami ang naplastikan sa pahayag na ito ni Mang Alan na asawa ni Aling Lani na mayor ng Taguig.
Halos lahat ng sulok ng bansa ay naikot na ni Cayetano gayong 2014 pa lamang kaya’t dapat nang aminin ng butihing mambabatas ang totoo niyang plano.
Marami pang tiyak na mangyayari patungo sa 2016 pero tiyak na kasali rito si Cayetano dahil all-out na ang kilos ng kanyang kampo.
The post MVP BISE NI BINAY appeared first on Remate.