LAKING MALABON AKO. Katunayan, graduate ako ng Potrero Elementary School at sa kolehiyo ay sa Gregorio Araneta University Foundation (GAUF). Salamat. Ipinagmamalaki ko.
Noong bata ako ay nasa Malabon na lahat ang pambuhay-tao. Ang likod ng Manila Central University (nag-aral ako roon ng Grade 1 at 2) ay berdeng-berde sa palay at mga gulay. Mga puno naman ang babaybayin patungo sa GAUF hanggang sa boundary ng Valenzuela na noon ay Bulacan pa.
Sa likod ng MCU ay nangunguha kami ng suso, tulya at ang masarap ipaksiw na gurami. Alam pa kaya ng mga bata ngayon ang isdang ito? Ang isda ay hinuhuli namin sa Tullahan River na busog sa isda, tulya, susong pilipit, tilapia, dalag at hito.
‘Pag tag-ulan o tag-bagyo, takbo kami sa Letre, Malabon na may dalang lambat at sako. Tumatapon kasi ang mga isda sa palaisdaan mula sa Maysilo hanggang sa Polo palabas ng Navotas at Manila de Bay.
Ang Malabon City noon ay pasyalan ng mga kilalang personalidad. Mataas na uri sa buhay, mayayaman, lalo na ang mga artista. Doon sila kumakain sa mga balsang kawayan at mga ginawang bahay-kubo na ala-restaurant at namimingwit ng isdang lulutuin naman. Ang mga seafood ay mula sa dagat ng Navotas. Kumpleto.
Iyan ay noon. Ngayon, halos lahat ng sulok ay mabaho na maliban sa ilang lugar. Kung hindi man, lalong sumikip ang mga dati nang maliliit na daan. Isama riyan ang anarkiya na binuo ng mga maralita sa mga lupang pribado at gobyerno. Pati sementeryo ay ‘di nakaligtas sa mahihirap na kababayan natin.
Kung noon pa man ay mayroon nang plano na maayos ang lokal na pamahalaan ay hindi mangyayari ito. Kung mayroon silang blueprint at programang pambayan para sa tamang urbanidad, malamang ay hindi mabubulok ang Lungsod ng Malabon. Sayang ang malaparaisong Malabon noon. Nawala dahil sa maling pamamahala kapwa ng lokal at pambansang liderato noon hanggang ngayon.
Kaya pang ayusin ang lahat. Sana ang bagong pamunuan ay magkaroon ng matatag na paninindigang pulitikal para isaayos ang problema ng pabahay at pangkomunidad. Kaya ninyo iyan. Gawin kaagad. Lahat ng bayan at lungsod ay tatalakayin ng BALETODO. Sayang ang bansa natin. Mula sa pinakamayaman sa Asya at maraming panig ng mundo noon, ngayon ay kulelat na tayo. Kung magkakaisa lang at magkakasundo ang lahat na lokal na pamahalaan, tiyak at walang duda, makababawi tayo.
Malaki pa rin ang pananagutan ng lideratong pambansa kung may balak ito na gumawa ng tama!
The post MALABON CITY, ANYARE? appeared first on Remate.