NAIS kong batiin ang pamunuan ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) sa pangunguna nina Chairman Cesar N. Sarino at Postmaster General Josie dela Cruz, dahil sa mga bago at magagandang programa na ipinatutupad nila sa korporasyon.
Kaya naman hindi kataka-taka na patuloy ang pagbabago patungo sa mas pinalakas na serbisyo publiko ng kauna-unahan at pinakamalaking mail at logistics service provider ng bansa.
At isa sa mga pruweba na talagang nakuha na muli ng PHLPost ang tiwala ng publiko ay nang piliin ng Comelec ang PHLPost para siya ang maging pangunahing logistics service provider nito kaugnay ng gagawing presidential at local elections sa 2016.
Base sa nilagdaang Memorandum of Understanding (MOU) nina Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr. at PMG dela Cruz, ang PHLPost ang siyang maghahatid sa lahat ng panig ng bansa, ng mga gamit gaya ng forms, supplies at iba pa na gagamitin para sa voters registration kaugnay ng nalalapit na eleksyon base na rin sa itinatakda ng Republic Act No. 8189.
Patunay lamang ito na ang serbisyo ng PHLPost ay kaparehas kundi man higit pa sa kayang gawin ng ibang logistics service providers sa Pilipinas. At totoo naman iyan dahil tanging PHLPost lamang ang may 1,500 tanggapan sa lahat ng service providers na magagamit nito para sa mas epektibong serbisyo.
Maliban diyan ay inilunsad din kamakailan ng korporasyon ang programang Juan Click. Nakapaloob sa nasabing programa ang bagong kagigiliwang personalized stamps, Pinoy e-mail at mobile application para sa pagtanggap ng pensyon ng ating mga pensyonado.
Sa personalized stamps ay maaari na ngayong gumawa ng sariling stamp ang mga parokyano na puwede nilang gamitin bilang pangregalo o ‘di kaya ay souvenir.
Pinasok na rin ng PHLPost ang makabagong teknolohiya na kung saan ay maaari nang bumili at mamili ng mga produkto ang mga negosyante at publiko sa pamamagitan lamang ng pag-click sa kanilang computer. Ang PHLPost na rin ang bahala sa delivery ng mga produkto na dadalhin at kukunin kahit saanmang panig ng bansa.
Mahusay talaga ang ginagawang pamumuno nina Chairman Sarino at PMG dela Cruz. Kasama siyempre ang mga kasapi ng Board na sina Directors Ronnie Tuazon, Joel Otarra, Jun Hidalgo, Mory Sison at Inday Varona.
The post BAGONG PROGRAMA NG PHILPOST appeared first on Remate.

