MATAPOS ibunyag ni Vice President Jojo Binay ang pakikialam ng ilang opisyal ng pamahalaan na nagbigay “presyur” sa mga pulis na umaresto kay Delfin Lee, ay kaagad pumutak itong si Oriental Mindoro Governor Alfonso Umali.
Ayon kay Umali na isa ring mataas na opisyal ng Liberal Party, nagtanong lang siya hinggil sa status ng “warrant” ng bilyonaryong si Lee.
Matindi rin naman ang sipag nitong si Gov. Umali hano? Aba, eh, sa sandamakmak na trabaho ng isang gobernador, idagdag pa ang kaliwa’t kanang paghahanda ng LP para sa nalalapit na 2016 elections pero nagawa pa rin nitong dalirutin ang tungkol sa “warrant” ng isang bilyonaryong wanted na mandarambong!
Sandali lang po, Gov. Umali, maliban kasi kay Lee ay sandamakmak din ang pera ng ilang “sikat” na wanted persons gaya nina Ruben Ecleo, ang magkapatid na Gov. at Mayor Reyes ng Palawan at maging ang kapatid ni Janet Lim-Napoles. Kapag sila ba ay mahuli ng mga pulis, tatawag ka rin at itatanong mo rin ang validity ng kanilang mga “warrant?”
O, kung sila ba ay hindi matitiklo hanggang sa 2016 elections ay magkakaroon ba ng karagdagang pondo ang partidong Liberal?
Hmmm, maaari rin bang sabihin ng madlang pipol na may basbas, este, alam ang LP kaya hindi sila nasasakote ng ating kapulisan?
Letseng buhay ito! Kung ayaw ninyo na maghinala ang taumbayan ay dumistansya kayo sa mga animal na ‘yan! Hmp!
-o0o-
KAUGNAY pa rin sa iligal na sugal sa lalawigan ng Masbate, ating tinalakay kahapon ang “lotteng” sa 2nd District pa lang na sumasakop sa mga bayan ng Milagros, Balud, Mandaon, Aroroy, Baleno, Mobo at Masbate City.
Ayon sa ating “tawiwit”, ang pagnanais ni PNP Provincial Director S/Supt. Jacinto Culver Nasol Sison na habulin ang lahat ng iligal na gawain ay hindi naipatutupad dahil na rin sa pakikipagsabwatan ng ilang opisyal sa mga iligalista.
Katunayan, aniya, pilit na ginagawan ng mga ito ng paraan para hindi makaabot sa kaalaman ni PD ang pamamayagpag ng “lotteng” nina Babyboy Tan, Perla Manlapaz at Benjie Lim.
Aha! Kung totoo itong sumbong ng ating tawiwit ay lumalabas, parekoy, na binubulag ng mga hinayupak si PD Sison habang sila ay nagpapakasasa sa lingguhang intelihensya mula kina Babyboy, Perla at Benjie.
Huwag kang mag-alala, kernel, titiyakin ko na makaaabot sa iyong kaalaman ang nasabing mga iligal na gawain. Para naman mabigyan mo ng kaukulang aksyon. ‘Yan ay kung hindi talagang ‘di pa ito alam ng iyong tagatanggap, este, tanggapan!
The post CAMPAIGN FUND NG LP AT SUGAL SA MASBATE appeared first on Remate.