AABOT sa limang taon ang katakot-takot na trapik dahil sa paggawa sa ilang malalaking proyektong pagawaing bayan, kabilang na ang Skyway 3 na babagtas sa apat na lungsod sa Metro Manila.
Magsisimula ang proyektong Skyway 3 sa Makati City at babagtas ito sa Manila hanggang maabot nito ang Caloocan-Quezon City area.
Paano ang iba pang mga proyekto na kung saan-saan lang isasagawa.
Aba, mahabang panahon ang limang taon.
Impiyerno ‘yan sa milyon-milyong mamamayan dahil sa lilikhain ng mga ito na trapik.
15m + 15m KATAO SA METRO
‘PAG gabi, nasa 15 milyon ang nakatira sa Metro Manila.
Pero kapag araw, doble ang bilang nila dahil sa pagdagsa rito ng mga taga-lalawigan mula sa Cavite, Batangas, Quezon, Rizal, Bulacan at Nueva Ecija.
Binubuo ang mga dayo ng mga estudyante, obrero, turista o namamasyal, pumupunta sa mga airport para mangibang bansa at kung sino-sino pa.
Iba pa ang libo-libong OFW at turista mula sa iba’t ibang bansa na dumaragsa sa Metro.
Ganyan karami ng mga tao sa Metro Manila. At inaasahan natin na marami sa mga ito ang nagdadala o gumagamit ng sasakyan kahit matrapik pa dahil sa iba’t ibang dahilan.
Dito lang, sasakit na ang ulo mo sa kaiisip kung ano ang dapat mong gawin.
BAKASYON AT LINGGO
TIYAK namang saka lang makararanas ng paggaan ng trapik sa mga araw ng Linggo, Semana Santa at summer vacation ng mga estudyante.
Pero tiyak na sa pinakamahabang panahon, bubunuin ng milyon-milyong mamamayan ang trapik.
PURO PERHUWISYO
PARA sa mga negosyante, kasama na ang mga nasa public transport o pampasaherong sasakyan, impiyerno ang hinaharap nila.
Puro perhuwisyo.
Isang porma ng impiyerno ang mahal na petrolyo na uubusin ng kanilang mga delivery truck, bus, jeepney, taxi, tricycle at iba pa.
Paano nila babawiin ang mga gastos dito? Kung itataas nila ang presyo ng mga produkto at serbisyo, tutumal naman ang negosyo.
Kung magtataas naman ng pamasahe ang mga public transport, yayariin naman sila ng mga nasa pamahalaan.
Iba pa ang patuloy na pamemerhuwisyo ng mga kotongistang pulis at traffic enforcer.
Siyempre pa, mapeperhuwisyo rin nang todo ang mga mamamayan sa pagpasok sa kanilang trabaho, eskwela at pamamasyal.
Pati ang mga bumbero at ambulansya maaapektuhan din kahit pa sinasabi ng pamahalaan na bibigyan ang mga ito ng espesyal na trato.
Ang mga pulis, hindi rin basta makapagreresponde sa pagkaipit ng kanilang mga sasakyan patungo sa mga lugar ng krimen upang iligtas ang mga mamamayan.
PALPAK NA MGA KASAGUTAN
SINASABING magde-deploy ang pamahalaan ng maraming tauhan nito para pamahalaan ang trapik.
Okey tayo rito… lalo na kung 24 oras at Lunes hanggang Linggo ang kanilang mga duty.
Pero paano ang ugali ng marami sa mga ito na imbes na magsaayos ng trapik, ‘yang manghuli kahit sa napakaliliit na dahilan ang kanilang higit na pagkakaabalahan.
Pera-pera kasi, may porsyento o komisyon sa mga panghuhuli.
Iba pang ang pambabangketa na karaniwan ding ginagawa ng mga korap sa lansangan.
LRT AT MRT
IBINABALA rin ng pamahalaan ang mga Light Railway Transit at Metro Rail Transit at pinagagana na rin ang Philippine National Railways.
Pero sana, wala ang mga aberya at kapalpakan na nagaganap sa kasalukuyan.
Kitang-kita ang kapalpakan ng LRT MRT sa haba ng pila ng mga pasahero sa pagsakay.
Mapipilitan na sumakay ang mga mamamayan sa mga LRT, MRT at tren dahil tiyak na mababalaho sa trapik ang mga bus, taxi, jeepney at iba pang uri ng panlupang transportasyon.
Dahil sa tiyak na magagasgas nang todo ang mga tren na ito, aasahan na rin natin ang mga aberya at kapalpakan nito.
ISKEDYUL NG SCHOOLS
KUNG totoong makatutulong ang pagbabago ng iskedyul ng mga eskwela, dapat na magkaroon na ng pagsasanay rito ng mga guro, bata at pati ang mga sasakyan, kasama na ang mga school bus.
Maganda ring magkaroon ng pagpupulong ang mga guro at magulang para itaguyod ang mga tulungan laban sa trapik at hindi maperhuwisyo ang edukasyon ng mga bata. At hindi rin maperhuwisyo ang hanapbuhay ng mga magulang.
At nasaan ang mga balakin o programa na paiiksiin ang pagpasok ng mga bata?
Sana naman, hindi magbubunga ng hilaw na edukasyon at kabobohan ang mga proyektong lilikha ng mga katakot-takot na proyekto.
FOR THE FUND OF IT
KAHILINGAN sa lahat ng mga kinauukulan na ang kapakanan sana ng sambayanan ang tunay at pangunahing dahilan kung bakit nagmamadali ang pamahalaan na gawin lahat ang mga pagawaing bayan sa Metro Manila.
Malaki kasi ang paniniwala na minamadali ang mga proyekto ngayon para makaipon ang mga konektado sa poder ng pondo para sa darating na halalang presidensyal.
Alanganin kasi ang mga pork barrel ngayon at ‘yang mga proyekto ng pamahalaan ang pinag-iinitang pagkakitaan nila.
Sana naman, hindi natin marinig mula sa mga honorable na “for the fund of ito” ang proyekto na lilikha ng trapik at perhuwiyo sa mga mamamayan.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.
The post FOR THE FUND OF IT ANG MGA SKYWAY 3 AT IBA PA appeared first on Remate.
