NASAAN ang sinasabi ni Pangulong Benigno Aquino III na “Daang Matuwid” na sa totoo lang ay wala pang nagagawang pag-unlad para sa lipunan at kabuhayan ng mga mamamayan, lalo na ang mga mahihirap?
Noong Marso 18, nabaril at napatay ng guwardyang si Rodrigo Garcia ang isang menor de edad na si Melven Dulo nang mahuli itong nagnanakaw sa binabantayang saradong eskuwelahan ng nasabing guwardya.
Sinaksak ng binatilyo ang guwardya kaya napilitang barilin ng huli ang una. Sumuko agad ang guwardya sa pulis at isinuko rin nito ang ginamit na baril.
Inimbestigahan at sinampahan ng kasong homicide in relation to child abuse law sa piskalya ni PO3 Hermogenes Capili, ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit kung saan ang lola ng bata na si Lourdes Dulo ang tumayong complainant.
Maaaring nagtatanong ang marami kung ano ang kaugnayan nito sa “Daang Matuwid” ni PNoy. Simple lang ang sagot. Patuloy na nangyayari ang nakawan at patayan dahil sa kabiguan ng mga kinauukulan na palaguin ang kalagayang panlipunan at kabuhayan ng mga mamamayan.
Naririyan din ang labis na kapabayaan ng mga magulang sa kanilang mga anak.
Sa pangyayaring ito, bakit ang guwardiya lang ang sinampahan ng pulis ng kaso gayong dapat ay kinasuhan din nito ang mga pabayang magulang ng kawatan, maging ang pamahalaan?
Kasi nga, walang pakialam ang pulis sa kalagayang panlipunan at pangkabuhayan ng mga tao. Basta ang alam nila, ginagawa nila ang kanilang tungkulin sa pamamagitan ng pag-iimbestiga at pagsasampa ng kaso laban sa gumawa ng krimen.
Ngayon, matanong ko ang mga opisyal ng CIDU na sina Chief Insp. Rodelio Marcelo at Edilberto Nicanor: bakit kayo gumawa ng aksyon o rekomendasyon upang masampahan din ng kaso ang mga magulang na naging pabaya sa kanilang anak?
Tama ba ang katwiran ng pulisya na hindi na parte ng trabaho nila ang pagsasampa ng kaso laban sa mga magulang ng bata na naging pabaya sa kanilang anak na sa murang edad ay gumawa na ng krimen.
Trabaho nga naman ito ng ibang departamento. Pero dapat sana ay gumawa sila ng hakbang upang matunton ang sanhi ng krimen na syempre ay papatak na naman sa kahirapan.
Kung nasampahan ng kaso ang mga magulang dahil sa kapabayaan, tiyak na magiging aral ito sa ibang magulang na napapabayaan ang kanilang mga supling.
Happy Birthday to Raffy Mendez, director ng Manila North Cemetery, na nagdiriwang ng kanyang kaarawan ngayong araw.
The post PABAYANG LIPUNAN appeared first on Remate.