“ANG pag-aasawa ay hindi parang kaning isusubo at kapag napaso ay puwedeng iluwa,” wika ng mga nakatatanda.
Hindi lamang iilan kundi napakarami nang mga kabataan ang nahuhulog sa pagkapahamak, sa pakikipaghiwalay sa kanilang mga katuwang sa buhay o asawa, dahil sa mga suliraning pampamilya na kanilang nararanasan sapagkat sila ay hindi pa hinog para lumusong sa buhay may-asawa.
Nagdurusa ang kanilang mga anak, nawawalan ng tunay na ama at ina upang gumabay sa kanila, kapag hindi na nakatiis ang bawat isa, sa hirap ng pagdadala ng buhay may-asawa.
Sa obserbasyon natin sa kasalukuyang panahon, pabata nang pabata ang mga nagsisipag-asawa. Mga katanungan ng inyong lingkod sa mga nag-iibigan. May sapat na ba kayong edad at kakayahan na bumuhay ng pamilya? Kayo ba ay tapos na sa pag-aaral at may matatag nang hanapbuhay? O, ang pahihirapan ninyo ay ang inyong mga magulang dahil sila ang bubuhay sa inyong bagong pamilya, at kayo ay makikitira sa kanila?
Paano na iyan, kapag kapos na kayo sa pera, dahil hindi naman kayo tapos ng pag-aaral at walang matatag na hanapbuhay? Saan kayo kukuha ng pang-upa sa bahay, pambayad sa kuryente, tubig, pagkain sa araw-araw, iba’t ibang gastusin, lalo na sa panahon ngayon, na lubhang napakataas ng uri ng pamumuhay?
Hindi natin maaaring sabihin ang mga katagang “bahala na”, sapagkat tiyak na ito ay magdudulot sa buhay natin ng walang katiyakang kinabukasan na lalong magdadala sa kahit kanino ng kapahamakan.
Kaya nga sa mga kabataan, maski na sa nasa hustong gulang man, na nangangarap na lumusong sa buhay may-asawa, ngunit walang matatag na kabuhayan. Magdasal at humingi ng gabay ng Panginoon bago kayong magdesisyon sa iyong gagawin. H’wag magmadali, mas marami pang pagkakataon ang sasapit sa inyong buhay na lalong magdudulot ng ginhawa, kaligayahan na kailanman ay hindi ninyo pagsisisihan hanggang sa inyong pagtanda, dahil tama ang inyong ginawa.
The post SISTEMANG “BAHALA NA” SA PAG-AASAWA appeared first on Remate.
