PAANO nga bang mula sa pagiging janitor ay naging manager ang Filipinong si JB?
Taong 2000 nang makilala ko ang tubong Pampanga na si JB sa isang tanyag na pub house sa Hong Kong – ang Joe Bananas.
Ayon sa kanya, nabigyan siya ng pagkakataong makapagtrabaho sa nasabing bansa dahil sa kanyang kapatid na tumulong sa kanya upang makarating siya roon.
Dati umano siyang isang domestic worker bago siya nag-apply sa Joe Bananas bilang isang janitor, kung saan ay naranasan niyang magsimula mula sa pinakamababa.
“Nag-start ako from the bottom, I used to work really hard like waking up in the morning. Mga 5:00 kasi ‘pag nagsara na roon pa lang darating ‘yung mga cleaner. Then maglilinis. Imagine itong place na ito, busy every night. Imagine, lilinisin mo in the morning. It’s really hard,” kuwento niya.
Sa loob ng halos isa’t kalahating taong pagtatrabaho bilang janitor ng nasabing pubhouse, ay nakitaan ng kakaibang sipag at tiyaga si JB.
Naging kapansin-pansin din ang kanyang pagnanais na matuto at umunlad.
“Maybe I can say na pakialamero ako. Nagbabasa ako ng mga menu nila, nagbabasa ako ng mga ingredient ng mga drink nila, tapos sinasaulo ko, nagtiyaga ako,” wika niya.
Dahil sa ipinakikitang dedikasyon sa trabaho mula sa pagiging janitor ay ginawang bartender si JB.
“Nakita nila na willing akong matuto sa paggawa ng drinks, mga presentation ng drinks, mag-research sa mga book, mga cocktail book, cook book, food menu hanggang matuto ako. From cleaner they put me in the bar as a bartender,” dagdag pa niya.
Kaakibat ng pagtaas ng kanyang posisyon ay ang maraming pagsubok na kanyang kinaharap, lalo na sa kanyang trabaho, kung saan ay kinakailangan niyang makibagay at makisama sa iba’t ibang klase ng tao.
“In this place, iba-iba ang management, ‘yung boss namin iba-iba,” saad niya.
Subalit sa kabila nito, kailanman ay hindi niya inisip na sumuko, bagkus ay patuloy niyang ibinigay ang isandaang porsyento ng kanyang kaalaman at kasipagan na hindi naman nagtagal ay nagbunga at naging dahilan upang mula sa pagiging bartender ay maging isang manager siya ng Joe Bananas.
Ang bawat pagsisikap ay hindi nababalewala o nawawalang halaga, sapagkat ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng nilaga. Gaya na lamang ng nangyari kay JB na mula sa pagiging janitor ay naging manager.
*******
Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa PTV-4 tuwing Linggo, 10:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.
The post FROM JANITOR TO MANAGER appeared first on Remate.