IPAGPATULOY natin ang talakayan ukol sa posibleng labis na kapalpakan ng Bureau of Jail Management and Penology sa paghawak ng mga preso, partikular sa Calbayog City.
Sa report ng pulisya, pawang mga akusado sa mga kasong murder, rape, droga at highway robbery ang 16 presong nakatakas sa kulungan ng Calbayog.
Nagrelaks ang BJMP sa mga presong ito kaya tumakas ang mga ito, dala-dala ang malalakas na armas na inagaw nila mula sa mga jailguard.
Anong klaseng tauhan ng BJMP ang mga animal na jailguard na ito? Ang dapat sa kanila ay sila ang ilagay sa selda kapalit ng 16 na mga pugante na pawang may mga kasong napakabibigat.
Itong inutil na jail warden na si Inspector Gusser Gadong ay hindi raw muna magsasalita ng kahit na ano hangga’t walang advice ang kanilang BJMP Director galing ng main office.
Ay naku, Insp. Gadong, bakit hindi ka na lang kaya pumasok sa saya ng iyong amo? Paano kaya naging hepe ng BJMP ang inutil na tulad nitong si Gadong?
At bakit hindi paiimbestigahan ang mag-asawang nagsagawa ng Bible Study Session sa piitan? Dahil ayon sa impormasyon, may isang sasakyan daw sa hindi kalayuan ng nasabing piitan ang naghihintay sa mga pugante.
Nagtataka naman ang mga taga-Calbayog City kung bakit may Bible Study Session sa araw ng Miyerkules gayong pinapayagan lang daw na magkaroon ng Bible Study tuwing araw ng Linggo.
Hmmmmmmmmm, may naaamoy ako. Ano kaya ang naging CASH-unduan sa pagtakas ng mga pugante?
Naniniwala ang mga taga-Calbayog na posibleng nasa Metro Manila na ang 16 na pugante ng Calbayog City Jail na kinilalang sina Dindo Calagos, rape; Nelwin Juanerio, murder; Edwin Abria, murder; Roel Cuanico, robbery; Freddie Cagomoc, robbery; Malix Lucente, murder; Ian Pante, murder; Efren Pante, murder; Roberto Pintuan, viol. of Sec. 5 RA9262 (VAWC); Romeo Capio, murder; Romeo Coligado, rape; Romeo Pinote, rape at attempted rape; Gerry Dealagdon, murder; Crisanto delos Reyes, frustrated murder; Joey Agas, highway robbery at Dante Helino, highway robbery.
o0o
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo o hinaing, suhestyon at komento, mag-text lamang po sa cellphone no. 09087230036.
The post PNP AT BJMP NG CALBAYOG, PAWANG MGA INUTIL (2) appeared first on Remate.