AYON sa Wikipedia, ang prinsipyong lesser of two evils ay ang pagkakaroon ng dalawang hindi magagandang choice na kapag kinailangang pamilian ay nanaisin ang hindi kasingsama ng isa pa.
Sa smuggling, nahaharap ang Bureau of Customs sa dalawang uri ng kasamaan: teknikal at garapalang smuggling, na ang una ay hindi kasing tindi ng huli.
Walang kasingsama ang garapalang smuggling dahil ang pag-i-import at pag-e-export ng mga kargamento ay ginagawa nang walang customs clearance kaya naman 100 porsyentong nakaiiwas sa mga buwis at iba pang bayarin.
Samantala, ang technical smuggling ay maituturing na lesser evil dahil dumaraan ang mga kargamento sa Customs, at binabayaran ang buwis nito, pero mali ang pagdedeklara sa kargamento, sinadyang tapyasan ang aktuwal na halaga para kakaunti ang babayaran at maraming iba pang pandaraya.
Dahil dito, dapat na tutukan ng Department of Finance at ng mga ahensya nito – ang BoC at Bureau of Internal Revenue – ang “pure evil” upang matigil na ang pandaraya nito sa publiko at sa gobyerno. Pero hindi ito nangangahulugan na babalewalain na lang ng awtoridad ang “the lesser evil” na itinuturing ng ilan na “necessary evil.”
Isang malinaw na halimbawa ang “pure evil” na umiiral sa Zambales. Sinabi ng aking mga espiya na isang fuel tanker ang nakalublob sa dagat sa pagitan ng mga bayan ng Sta. Cruz at Candelaria. Maglalayag ang isang dayuhang tanker para magkarga ng krudo sa nakalubog na tanker, at ang mga diver na kasama ang magkakabit ng tubo.
Kapag umalis na ang foreign vessel, isa namang local tanker ang lalapit. Ikakabit ng mga diver ang kani-kanilang suction pipes upang higupin ang krudo. Hihimpil naman ang barko sa Masinloc port, o sa kahit na aling daungan na walang nakabantay mula sa BoC, upang magdiskarga ng krudo.
Sakali man na sitahin ang kargamento, sinasabi ng kapitan ng barko na ang krudo ay nagmula sa Batangas o sa iba pang probinsya.
Pagkatapos, ito ang ibebenta sa lokal na merkado sa napakamurang halaga. Madali na para sa BoC at BIR ang tuntunin ang puno’t dulo ng korapsyon na magtuturo sa mga opisyal ng ilang munisipalidad at ilan mula sa pamahalaang panlalawigan.
Sino-sino ang mga ito? Open secret na ito sa Zambales.
* * *
NOONG Huwebes, idinetalye ng Bluemax Tradelink, Inc. ang panig nito sa kontrobersya sa illegal mining sa Zambales, nangatwirang lahar sand lang ang hinuhukay ng kompanya at hindi nagmimina ng black sand.
Kinumpirma ng mga source na hinahakot ng kompanya ang lahar sand mula sa Bucao River, gayundin sa bayan ng Botolan.
Pero, anila, pinararaan ang lahar sand sa spiral separator na naghihiwalay sa black sand gamit ang magnet.
Pagkatapos ay isasakay ang kargamento sa Panamax carrier, na tinatawag din na Handymax bulker na may bigat na 50,000 tonelada.
Sa huli, ang lahar sand ay ginagamit sa isang reclamation project sa Singapore.
Ang black sand naman ay kinukuha umano ng subsidiary ng Tricor company na Sea Wind Group Limited na may kontrata sa Bluemax.
Samantala, ang Chahaya Shipping and Trading company, na sinasabing may-ari sa mga barko, ay nakakontrata para bumili ng buhangin sa Tricor.
Totoong may karapatan ang Bluemax na mag-operate sa bisa ng pahintulot ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane, Jr. Pero iginigiit ng ilang dating local official at mga residente na ang nasabing operasyon ay dapat na may Environmental Compliance Certificate mula sa Department of Environment and Natural Resources at hindi basta permit lang mula sa provincial government.
Anila, required nga rin daw ang barangay permit, e.
Kapag nakarating ito sa kaalaman ni DENR Secretary Ramon Paje, ano kaya sa tingin n’yo ang gagawin niya?
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.
The post PRINSIPYONG LESSER EVIL appeared first on Remate.