NAGKAKAROON ngayon ng kalituhan sa hanay ng mga mamamayan ukol sa sinasabi ng pamahalaan sa kalagayan ng mahal kong Pinas.
Tiyak na hindi madaling makalimutan ng mga mamamayan ang sinasabi ng pamahalaan na kailanman ay hindi nila pinangakuan ang mga mamamayan ng hardin ng rosas.
Hindi rin basta malilimutan ang pahayag ng mga ito na kung hirap na ang mga tao na sumakay sa MRT at LRT, sa iba na lang sila sumakay.
Parehong hindi maganda sa pandinig ng mga mamamayan ang mga pahayag na ito ng pamahalaan.
Napakapanlulumo pa nga umano ang mga ito.
KUNG WALANG KORAP…
KABALIKTARAN ng pahayag na “We never promised a rose garden”, ipinangako ng pamahalaan ang isang langit sa lupa.
“Kung walang korap, walang mahirap!” ang naging sandalan noon ng pamahalaan para makapuwesto sa kapangyarihan.
Eh, habang lumalakad ang panahon patungo sa pagbaklas sa puwesto ng mga may puwesto ngayon, dumarami naman ang mga umaangal na sila’y humihirap.
Kakambal naman nito ang doble karang pagsugpo sa katiwalian.
Doble kara dahil ang mga kaaway lang sa pulitika ng mga makapangyarihan ang gusto nilang madurog na korap habang ka-Cha-Cha nila ang higit na maraming korap.
Dahil sa higit na nakararami ang mga korap na nakaupo sa pamahalaan, hayan at hindi matupad-tupad ang pangako ng langit sa lupa.
BALAT SA TINALUPAN
ANG totoo, naghahalo ang balat sa tinalupan, kung tawagin.
Hindi lang ang hungkag na pangakong langit sa lupa at tabinging laban sa korapsyon ang problema.
Naririyan ang labis na kainutilan ng pamahalaan sa sobrang mahal na langis, kuryente, tubig, presyo ng mga bilihin, toll sa mga highway, kawalan ng empleyo, kontraktuwalisasyon sa mga obrero, krimen, droga at marami pang iba.
Kung pagsasama-samahin ang lahat ng ito, impiyerno sa lupa ang nararanasan ng mga mamamayan.
Dumarami na nga ang mga korap, pinababayaan pa ng pamahalaan na manalasa ang mga kompanya ng langis, kuryente, tubig, transportasyon, dambuhalang negosyante, kriminal, druglord at marami pang iba.
Wala ngang matatagpuang hardin ng mga rosas sa mahal kong Pinas sa ilalim ng mga kalagayang ito.
PAHIRAP SA KALSADA
NGAYON lang nararanasan ng mga mamamayan ang sobrang trapik sa Metro Manila.
Syempre pa, may mga dahilan gaya ng pagdami umano ng mga sasakyan na hindi kayang tapatan ng pagdami ng mga lansangan.
Subalit lumalabas naman talaga na may kainutilan ang pamahalaan sa usaping ito.
Gaya na lang sa paggamit ng MRT at LRT bilang sagot sa trapik at hirap sa paglalakbay sa mga lansangan.
Kinulapulan ng korapsyon ang pagdadagdag ng bagon ng MRT kaya nade-delay ang proyektong ito na nagbubunga ng mga sobrang bagal na pagsakay ng mga pasahero sa MRT at LRT.
Dahil dito, naririyan ang mga patay at sayang na oras para sa trabaho at kita ng mga mamamayan na nakasasama rin sa ekonomiya ng bansa.
SUMAKAY KAYO SA IBA
NGAYON ay pinipiliit ang mga pasahero na sumakay sa ibang mga sasakyan at napakarami naman umano ang mga ito.
Anak ng tokwa, naman! Paano sila sasakay sa iba kung lahat na lang ng kalsada ay binubungkal sa araw at gabi na sanhi ng mala-impiyernong trapik sa ngayon?
Nagiging parking lot na nga ang mga malalaking kalsada ngayon. Kaya sila gustong sumakay sa MRT at LRT maiwasan nila ang trapik.
Mabuti sana kung para sa mga mamamayan talaga ang mga proyekto.
Ang nasa likod ng proyekto ay ang mga gustong kumita at paspasan na ito dahil malapit nang magtapos ang kasalukuyang pamahalaan.
Kasama ang mga utak-pulitika sa mga nagpapapaspas ng mga proyekto upang sila’y kumita at may gagastusin sa darating na halalan.
Totoo o hindi? Sagot!
HARDIN NG KAMATAYAN
SA araw na ito, mga Bro, kakaunin natin ang ang labi ng kasamahan nating mediaman na si Rubie Garcia mula sa Bacoor, Cavite na kung saan siya pinaslang ng riding-in-tandem.
Dadalhin natin siya sa National Press Club upang masilayan naman siya ng mga kasamahan nating mga mamamahayag at sinomang nagmamahal sa kalayaan sa pamamahayag at nagsusulong ng karapatang mabuhay sa hardin ng kamatayan.
Dadalhin natin siya sa Malakanyang sa Martes upang ipamukha sa mga nasa pamahalaan ang kanilang kapabayaan sa mga mamamayan, sa buhay at sa kamatayan.
Gusto nating malaman kung ano ang masasabi ng pamahalaan ukol sa malala nang hardin ng kamatayan sa bansa at pagpapasakay sa atin sa paniniwalang “It’s more fun in the Philippines!” sa kabilang ng lahat ng ito.
PACMAN, CONGRATS
SA wakas, natapos din ang sigalot sa kung sino ang mas magaling na boksingero kina Cong. Manny “Pacman” Pacquiao at Timothy Bradley.
Nagwagi si Pacman sa bisa ng unanimous decision at nalagot ang “no loss record” ni Bradley.
Napanatili ni Pacman ang dati niyang bilis sa rueda at kahit tumatanda na ito, kitang-kita ang pagiging kabataan niya.
Isang tanong: hihiling kaya si Bradley ng rematch?
Teka nga pala, bakit naging mas mahigpit ang yakap ni Mommy D kay Bradley kaysa kay Pacman?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.
The post DEATH GARDEN, PACMAN, TRAPIK AT LRT-MRT appeared first on Remate.